Photo: Google.com
Wala pa kong five minutes na nakatanga sa toda pero
pakiramdam ko, inaksaya ko na ‘yung kalahati ng buhay ko dun. Kaya katulad ng
lagi, sumakay na ko at nagpabyahe. Eto ‘yung pinaka-ayokong ginagawa,
mag-intay.
Fifteen lang dapat ‘yung pamasahe
ko kung nag-intay ako ng dalawang makakasabay pero dahil tamad ako, 48 ‘yung
bayad ko. Triple. Pero ayos lang. Mas okay sakin magwaldas ng pera kesa
mag-aksaya ng oras. Kaya naman ‘yun kitain ulit. ‘yung oras ko, limitado. Hindi
ko alam, baka ‘yung limang minutong
pagtanga ko dun, pagkakataon na pala para maging bayani ako. Lumagpas pa dahil
petiks ‘yung mga makakasabay ko sana.
Pagtapos ng mga trenta minutong
byahe. Nakarating din ako sa bahay nila Mama. Naka-lock. Shit. Ayoko nga ng
nag-iintay e. Kaya binaba ko ‘yung dala ko sa tapat ng pinto, hinanap ko ‘yung
lola ko. Mas okay rumampa kahit gaano kagalit ‘yung araw kesa tumanga sa labas
ng bahay.
Nakita ko naman agad siya. Umuwi
kami agad agad din. Maya maya, nakatanga na kami sa loob ng bahay. Nang me tatlong
batang bumasag ng solemn kong mundo.
Pumasok sila sa bahay. Walang
paa-paalam. Nagsimulang magkwento ‘yung pinakamaganda dun sa tatlo. Six years
old siya pero parang matanda magsalita. Si Stephanie. Nagkekwento siya tungkol
sa masamang ispiritu daw na humila ng bag niya kagabi sa ilalim ng kama. Mga
bata talaga. Kundi lang cute ‘tong batang ‘to, nasipa ko na palabas ng bahay.
Pero ang cute niya. Natawa na lang ako. Nagkwento pa siya tungkol sa
manananggal, sa kapre at kung anu ano pa.
Tapos, nakisali na din sa
nakakatakot kunong kwentuhan ‘yung dalawa pang bata. Si Angel at si Angie.
Kwento lang sila ng kwento. Akala mo naman napapaniwala nila ko. Biglang
bumagsak ‘yung bag sa tabi nung magandang bata. Napatayo siya. Nagulat.
Tinablan ata ng pananakot niya. Masamang ispiritu daw may gawa nun. Natawa na
naman ako. Pati simpleng pagkakalaglag ng bag, isinisi sa masamang ispiritu.
Kawawa naman.
Natapos ‘yung kwentuhan nila,
nagkantahan naman sila. Inayos pa ‘yung upuan namin na para kaming nanonood ng
concert. Todo cheer at todo palakpakan pa. Syempre, not to spoil their moment,
nakikipalakpak ako. Ang cute e. Bakit pag bata maganda pakinggan kahit
sintunado? Effortless. Walang pagpipilit. Kahit namimilipit na sila sa taas ng
tono, gora lang. Kanta pa din.
Nagsawa sila sa kanta, Pinoy
Henyo naman. Kahit sinisigaw din ng game master ‘yung word na huhulaan ng
contestants kuno, ang astig lang na nahihirapan pa rin sila hulaan ‘yon.
Masaya. Tawa pa sila ng tawa. Kung sa matanda mo kasi pinagawa ‘to at hindi
niya pa mahulaan agad, ansarap niya na murahin at duraan sa mukha. Pero dahil
bata sila, napakainosente. Walang muang. Okey lang.
Maya-maya, natripan ko
magsoundtrip. Pinatugtog ko ‘yung cp ko. Ayun, nagustuhan. Nagsayawan. Kembot kung
kembot. Ang cute lang. Sobrang inosente. Tipong hindi magboboyfriend sa edad na
trese. Wag lang siguro nilang mapanood ang Tween Hearts o PBB Landian Edition at
lalaki silang conservative. Pero hindi e. Uso ‘yun ngayon. Nakakapanghinayang
lang na baka sa susunod ko silang makita, tupok na din ng foundation ‘yung makinis
nilang mukha. May kolorete na din sa talukap ng napakainosente nilang mata o
kaya lipstick sa mga labi nila.
Nagulat ako nung sabihin ni
Stephanie na hindi na sila bati ni Angel dahil hindi siya pinayagang mauna
kumanta. Nakikinikinita ko ng may pagkabitchesa ‘tong si Stephanie pagtanda.
Pero maya-maya lang okay na sila. Parang walang nangyari. Sayawan ulit.
Kantahan ulit. Tawanan ulit. Masaya lang ulit.
Gusto ko silang tandaan na
ganito. Gusto ko silang maalala ng ganito. ‘yung tatlong batang nanggulo ng
solemn kong mundo. Pumasok sila sa pinto ng walang paalam. Nagkwento tungkol sa
masasamang ispiritu at kung anu-ano pang katatakutan, kumanta, sumayaw.
Nagpakwela.
Ngayon na lang kasi ulit talaga
ko natawa. ‘yung ganito kasing mga biro, isang malaking nganga aabutin ko pag
binira ko sa tropa ko. Ngayon lang ulit ako napatawa ng inosenteng biro, walang
halong halay. Madalas kasi ng tinatawanan ko ngayon, kundi green jokes, jokes
na bastos. Haha. Pareho lang ‘yon.
Ang sarap lang maging bata. Ang
sarap maging inosente. Ang sarap tumawa. ‘yung tipong mag-aaway kami ng kalaro
ko pero maya-maya okay na. Mas importante kasing may kalaro ako kesa sa away
namin kanina. Mas gusto ko kasing tumawa kesa seryosohin ‘yung tampo ko nung
hindi mo ko pinaunang kumanta.
Sana pwedeng maging bata habang
buhay. Inosente. Masaya. Pero kung magtatagal pa ko ng ilang minuto sa pagiging
bata, tatamarin ako. Katulad ng mahabang byahe, masarap lang na paminsan
minsan, may lubak para di boring ‘yung byahe mo. Isa pa, pinakaayoko sa lahat
‘yung naghihintay. Madami pang mas masayang parte ng buhay na hindi pa nakikita
ng bata. Pero sana madala nila ‘yung kainosentehang pinamalas nila sa’kin
kanina hanggang sa pagtanda nila. ‘yung tipong mas mahalaga sa kanilang maging
mas masaya kesa maging tama.
Iintayin ko ulit marinig ‘yung
kwento tungkol sa masasamang ispiritu sa ilalim ng kama ni Stephanie, ‘yung
manananggal na kakain kuno kay Angie, ‘yung sintunadong boses ni Angel, ‘yung
sayawan nila, ‘yung word sa Pinoy Henyo. Kahit siguro mainip ako, hindi ko
mamadaliin tumanda ‘tong tatlong ‘to. ‘Yung tatlong adik na batang bumasag sa
solemn kong mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento