Photo: Google
Sabi sa GM ni BET, dalawa lang daw ang uri ng tao sa mundo. 'yung isa, astronomer. 'yung isa... astronaut. Makes sense? Tumaas 'yung kilay ko nung mabasa ko 'to kasi Journalism 'yung course ko. Malayo siguro kong maging astronomer someday. At mas malabong dumalaw ako sa buwan like Armstrong.
So I read on... sabi sa GM, 'yung mga taong astronomer daw, nagkakasya na lang na tingnan 'yung heavenly bodies. Sapat na sa kanilang pag-aralan sa malayo 'yung mga bituin, 'yung mga planeta, 'yung araw at buwan, basta lahat ng nasa kalawakan. Masaya na 'yung mga astronomers na nakikitang okey sila kahit malayo. Kahit hindi nila mahawakan 'yung mga bagay na nagpapasaya sa kanila. Sapat na sa kanila 'yon. Ang boring 'no? Hanggang tingin lang? Hanggang tanaw.
Habang 'yung mga astronauts.. sila 'yung mga taong gagawin lahat mapalapit man lang sa mga nagpapasaya sa kanila. Sila 'yung pupunta sa buwan makailang tapak lang kahit pilit silang pipigilan ng gravity, didikit ng konti sa araw maramdaman lang 'yung init niya kahit posibleng masunog sila, masaktan. Sila 'yung magtitiis ng lungkot sa labas ng kamunduhan para maabot 'yung mga bituin na pinapangarap nila.
Ngayong gabi, gusto kong maging astronaut. Gusto kong lakbayin 'yung kalawakan. Gusto kong lumayo sa kamunduhan. Gusto kong abutin 'yung bituing matagal ko ng tinititigan. Gabi-gabi, bumubulong ako na sana marinig mo; na sana pakinggan mo.
Ngayong gabi, gusto kong duktungan 'yung pag-asang magkalapit tayo. Pagod na ko sa pagtingin sa telescope. Pagod na ko sa pag-iintay sa malayo. Pagod na kong makita kang masaya kasama ng mga ka-uri mo. Minsan, hiniling kong sana bituin na lang din ako. Para lagi kitang kasama. Sabay tayong magpapailaw sa langit, magpapangiti sa mga namamangha sa baba. Pero, bituin ka. Tao ako. Malayo. Malabo.
Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Hinintay kitang bumaba. Uso naman ang shooting star di ba? Baka sakaling isang araw, pagtingin ko sa bintana, matyempuhan kong pababa ka. Magiging mabilis lang 'yon. Sobrang saglit lang. Pero wala na sigurong papantay sa sayang ibibigay mo 'pag nahawakan na kita. 'yun nga lang, kapalit non ang habang buhay mong pagkawala. Kaya ko bang hindi ka na matanaw para lang sa saglit na saya?
Hindi ko 'yun kaya. Kaya matagal tagal ko ding pinagkasya 'yung sarili ko sa pagtanaw lang sa'yo. Parang mga astronomers. Pinasaya ko na lang 'yung sarili kong mahalin ka sa malayo. Pwede naman pala kong lumapit, pwede naman pala kong magpaka-astronaut. Kaya ngayong gabi, lilipad ako. Patungo sa kalawakan. Mahawakan ka lang. Malapitang mamasdan. Makausap ka. Makatawanan.
Hindi ko na iintaying bumaba ka kung mawawala ka lang. Gusto kong umasa... na sa paglapit ko, matutuwa ka. Katulad ng sayang mararamdaman ko 'pag nalapitan na kita.
Tama si BET. Dalawa lang 'yung uri ng tao sa mundo. Isang astronomer at isang astronaut. Hindi ko alam kung ano ako. Pero kung para sa'yo, kaya kong iwan ang mundo. Kahit saglit lang tayo pwedeng magkalapit, kahit pagtapos ng sandaling yon, pagmamasdan lang ulit kita sa malayo...
(Gone Too Soon by Simple Plan)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento