Iilang araw na lang ‘yung natitira sa tag-araw… malapit na
ulit dalawin ng ulan ‘yung mga uhaw na halaman. Pero hindi tulad nila, hindi ko
‘yun inaabangan. Kasi alam kong pagdating ng ulan, may magtatapos kasabay ng
tag-araw. May mawawala kasabay ng pagdating ng hanging Amihan.
Ganito naman lagi. Kapag wala kang magawa. Kapag wala kang
mapaglibangan. Lagi mo kong nilalapitan. Lagi kang andyan. Kulang na lang
sabihin mong tayo na. ‘yun tanging kulang na nagpapahirap sa lahat.
Dadaan ‘yung dalawang buwan. Pilit kitang aabangan… sa
basketball court kung san tayo unang nagkatinginan; kung san kita unang
nakatitigan… hanggang sa umabot na sa di ko malaman. Sa basketball court kung
san nangibabaw ‘yung hiyaw ko ‘pag ikaw ‘yung lumalaro. Sa basketball court kung
san nagsimula ang lahat.
Okey na sana. Uuwi akong nakangiti tuwing matatapos ang
liga. Minsan pa, kasabay pa kita pag naglalakad pauwi, kasama sila, ‘yung team
niyo. Minsan mo din akong pinakilig nung ihatid mo ko. Minsan mo ding inokupa
‘yung magdamag ko sa mga banat at texts mo. Ang problema, tuwing matatapos ang
bakasyon, natatapos din ‘to lahat. Natatapos din ‘yung nakakamatay mong tingin,
‘yung halos araw araw na pagkikita natin. Natatapos “tayo”, kung nagkaroon man
ng ganon.
Wala naman sanang problema ‘to. Kaso tuwing bakasyon at
napaglilibangan mong paasahin ako, hindi ko maiwasang mahulog kahit alam kong
walang sasalo. Kahit alam kong sa pasukan, mawawala lang ulit ako sa isip mo
na parang walang nangyari, wala lahat ng tagpong pilit inaalala ko.
Masakit, oo. Nakakapanghinayang. Kaso una pa lang naman,
alam natin parehong hanggang bakasyon lang tayo. Tanggap mo. E ako? Pinipilit
kong tanggapin mapalapit man lang minsan sa’yo. Katulad mo, pinipilit kong
umakto na okey lang sa’kin ‘tong set up na ‘to, na walang dating sa’kin lahat
ng banat mo, lahat ng pangako. Kasi malinaw sa’ting wala. Walang tayo. Hanggang
bakasyon lang lahat ng ‘to. Malinaw. Sa sobrang linaw, nabulag ako.
Binibigyan ako ng pag-asa ng dalawang buwang bakasyon,
binibigyan ako ng pag-asa ng pilit mong atensyon. O baka, ako lang mismo ‘yung
nag-iisip na me pag-asa sa lahat ng ‘yon? Kahit alam kong saglit lang ‘to.
Matatapos at matatapos din. Gusto ko pa din kumapit sa pag-asang likha ng
imahinasyon ko gaano man ‘yun kaliit. Gusto kong panghawakan lahat ng naganap
sa dalawang buwang ‘yon kahit alam kong sa dulo magiging masakit.
Sana extended ‘yung bakasyon ‘no? Para mas magtagal ‘yung
“tayo”.para mas matagal kang walang magawa, mas matagal kang mainip, mas
matagal mo kong trip.
Kahit alam kong iiyak lang ako sa pasukan ulit. Kahit alam
kong walang ibang katapusan ‘to kundi sakit. Makasama ka lang ng saglit.
Wag kang mag-alala. Malinaw sa’kin lahat. Pagkatapos ng
bakasyon, balik tayo sa dati. ‘yung tipong walang nangyari.

Iintayin ko na lang ulit matapos ‘yung tag-ulan, ‘yung
pasukan… tapos bakasyon na naman. Iintayin ko na lang ulit ‘yung dalawang
buwang wala kang magawa para akin ka, sa’yo ako. Merong tayo. Me pag-asa ako.
Tapos pagdating ng ulan para diligan ‘yung mga uhaw na
halaman, iiyak na lang ulit ako habang inaalala lahat ng meron nung dalawang
buwang merong ‘tayo”, nung mga panahong pilit kong binibigyang pag-asa 'yung sarili ko…
Summer Paradise by Simple Plan
(pang-inlove na kanta para sa isang wasak na istorya. alam kong eto 'yung pangarap ni Gab. pero wala e.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento