gusto kong gumawa ng kanta. tipong mapait lahat ng linya. gusto ko pag narinig mo, masaktan ka. maalala mong minsan, may nagmahal sa'yo ng sobra. sobra sobra sa kaya mong tanggapin. sobra sobra sa kailangan mo. sobra sobra sa karapatdapat makuha mo.
gusto kong gumawa ng kanta. pwedeng mabagal, 'yung halos wasakin ka na habang unti unti kong binibigkas lahat ng salita. unti unti kong ipapaalala sa'yo lahat. lahat ng kinalimutan mo na. unti unti kitang sasaktan hanggang sa maalala mo ulit. pwede ring mabilis, 'yung bawat bayo sa drums mararamdaman mo 'yung galit. 'yung tipong bawat hiyaw ng bokalista, me kasamang sakit. mabilis. isang bagsakan. pero pagkatapos, siguradong wasak ka. 'yung tipong pagkatapos, hindi ka na mabubuo pa.
gusto kong gumawa ng kanta. hindi ko alam kung saan magsisimula. hindi ko alam kung anong tamang salita. gusto ko lang sa bawat letra, unti unting mapinta sa isip mo ang nasasaktan kong mukha. gusto kong maalala mo. alalahanin mo.
gusto kong gumawa ng kanta. nasa isip ko na. pero hindi kasing sakit ng gusto kong iparating 'yung kahulugan nung kantang naglalaro sa utak ko. iba 'yung sinusulat ng kamay ko. iba 'yung nagiging tipa ng kamay ko sa piano.
gusto kong gumawa ng kanta. 'yung kantang pag narinig mo, masasaktan ka. pero bawat salitang sinusulat ko ngayon, masaya. iba sa naiisip kong mapait na mga letra. iba sa iniisip kong masasakit na salita.
gusto kong gumawa ng kanta. 'yung pag narinig ng iba, maiisip nila kung gaano ka kasama. pero kahit ano pang galit ko, mas matimbang pa din 'yung sayang iniwan mo. kaya mangingibaw ang saya sa melodiyang binubuo ko. mangingibabaw pa rin sa bawat linya na minsan, dumating ka. binigyang kulay ang mundo ko. binigyang titik ang kantang dati'y isa lang malungkot na himno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento