'yung amoy ng sunog na hotdog sa umaga. 'yung pagpipilit mo sa mga bagay na hindi mo alam talaga. 'yung mga oras na wala tayong magawa. wala tayong gustong gawin. kasi sapat na 'yung nakatitig ka sakin. 'yung init ng palad mo. 'yung mga pagkakataong nakahilig ka lang sa tabi ko. walang iniisip. nakahiwalay sa mundo. 'yung mga maliliit na bagay...
'yung pagmamadali ko umuwi para makita ka. 'yung sayang hatid ng ideyang naghihintay ka. 'yung paborito mong cheesecake. 'yung timpla ng kape. 'yung playlist ko. 'yung kantang palaging kinakanta mo habang nagmamaneho ko. 'yung lakas mo mang-asar. 'yung mga tampuhan. 'yung lambing mo 'pag may nagagawa kang kasalanan. 'yung kakulitan mo 'pag nakainum ka. 'yung mga oras na nakahiga lang tayo sa kama, nakatanga sa kisame, habang kinukwento mo lahat ng pangarap mo, habang pinaplano natin lahat ng tungkol sating dalawa.
Hindi ko 'yun sinasabi. Hindi mo din naman tinatanong. Pero alam ko na alam mo, binuo na natin 'yung habang buhay habang nakahiga tayo. Habang naglalakbay 'yung kamay ko sayo. Kasabay ng pagpasok natin sa ibang mundo. Sa mundong tayo lang ang mahalaga. Sa mundong tayo lang dalawa.
'yung mga maliliit na bagay. 'yung pag gising ko sa umaga na katabi kita. 'yung pag-uwi ko sa hapon galing trabaho. 'yung hagod ng masahe mo sa likod ko. 'yung mga nakaw na halik. 'yung lutong ng halakhak mo. 'yung mga biglaang yakap. 'yung mga di inaasahang lakad. 'yung mga bagay na parang nahuhulog na lang kung saan sila dapat. 'yung bawat bukas.
Unti unti, binuo ko 'yung mundo ko gamit ang maliliit na bagay na 'to. Umasa. Naghintay. Unti unti, tinupad ko 'yung mga pangarap ko para sayo. Kahit hindi ko sinasabi. Kahit hindi ko pinangako. Unti unti, hinayaan kong satin lang umikot lahat. 'yung mundo ko, 'yung mga pangarap ko, 'yung buong buhay ko. Kasama lahat ng maliliit na bagay na 'to.
Hindi ko alam kung san napunta lahat. Pag gising ko na lang, wala ka sa tabi ko. Walang amoy ng sunog na hotdog, walang kape, walang cheesecake. Wala ka. At 'yung maliliit na bagay na nakasanayan ko na.
Nabasag lahat. Gumuho sa paanan ko. Hindi ko na dinig 'yung boses mo. Hindi na ko hinehele ng mga titig mo. 'yung mata mo na parang kilalang kilala 'yung buo kong pagkatao. Lahat, nagiba. 'yung mundong araw-araw kong binuo. Wala na 'yung init ng palad mo. Hindi ko maintindihan 'yung mga kanta sa playlist ko.
Hindi ko alam kung san magsisimula. Mahirap hagilapin 'yung sarili mo kapag alam mong naibigay mo na 'yun sa iba. Hindi ko na alam kung sino ako na wala ka. Hindi ko na maalala kung pano gumising sa umaga na hindi mukha mo 'yung unang makikita. Hindi ko na alam 'yung pakiramdam na wala 'yung kamay mo sa palad ko. Na hindi ko naririnig 'yung tawa mo. Nawasak lahat. 'yung buong buhay ko, 'yung mga pangarap ko, 'yung mundo ko. Lahat kasi sila pinaikot ko sayo.
Hindi ko alam kung pano pupulutin lahat ng basag na parte ng pagkatao ko. Hindi ko maisip 'yung bukas. Hindi ko alam kung pano gigising sa umaga, aalis, babalik sa bahay na alam kong wala ka. Walang naghihintay na cheesecake sa mesa. Walang naghihintay na ngiti mo, walang naghihintay sa pag-uwi ko.
Nabasag lahat. Nasa paanan ko. Naghihintay ulit mabuo. Pero hindi ko alam kung pano. Pano ko sasalubungin 'yung bukas na wala ka, pano ko ibabalik 'yung mundong nakasanayan ko bago ako nasanay na nandyan ka. Nawasak lahat. Hindi ko alam kung pano... pano mabubuhay ulit ng wala lahat ng maliliit na bagay na 'to...
( I by 6 Cyclemind)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento