Lunes, Hunyo 4, 2012

Walang diyos sa loob ng simbahan



Palingun-lingon. Pero easy lang. Hindi ako dapat makita. Hindi ako dapat pahalata. Medyo sanay na din ako sa tagal ko 'tong ginagawa. Malapit ng lumabas 'yung mga tao sa simbahan. Malapit na din akong makakain ng hapunan.

Tumunog na 'yung kampana. Ilang taon ko ng tinatanong sa sarili ko kung anong silbi non. Ilang taon ko ng iniisip kung bakit madaming pumupunta sa lugar na 'to. Me lumuluhod pa, umiiyak, nagtutulos ng kandila. Meron daw diyos sa loob. Sa ilang beses na pagpasok ko don para maghanap ng malas, wala akong nakita. Siguro sila lang nakakakita non. Siguro 'yung mga me pera lang.

Yun! Lumabas na 'yung mga tao. Naagaw agad ng matandang me kulay mais na buhok 'yung pansin ko. Naninilaw siya sa kinang. Jackpot! Mukang masarap ihahapunan ko nito.

Unti unti akong lumapit. Hindi nila ko napansin. May kausap kasi siyang matandang hukluban din gaya niya. Malayo pa, naaamoy ko na 'yung pabango nung matanda. Ang sakit sa ulo. Pero dahil papakainin mo ko ngayong gabi, titiisin ko na 'yung nakakahilong amoy mo.

Masikip. Mabilis. Sa di kalayuan, tanaw ko 'yung parak. Ngiti lang. Sa dami ng tao ngayon, malabo nila kong mahuli.

Nang makalapit ako. Mabilis akong kumilos. Tamang hablot sa kulang gintong bag. Mabigat. Pero hindi ko na 'yun ramdam. Takbo dito, takbo don. Singit dito, singit don.

Naririnig ko pa 'yung hiyaw nung matanda nung hiniklat ko 'yung bag niya. Naririnig ko din na palapit na ng palapit 'yung sirena ng pulis. Tang ina. Patay na. Dinig na dinig ko 'yung kabog ng dibdib ko pero mas malakas, mas malakas kong naririnig 'yung kalam ng sikmura ko. Kaya binilisan ko pa 'yung takbo. Sumingit ako sa isang madilim na eskinita, tumalon, tumakbo, tumalon ulit. Tumakbo. Mabilis. Hanggang sa nawala na lahat ng naririnig ko.

Hindi ko alam kung anong nakapagpahilo sakin. 'yung layo't bilis ba ng tinakbo o 'yung gutom ko. Pero nawala lahat 'yon nung makita ko 'yung bag sa kamay ko. Ayos!

Binuksan ko 'yung bag ng me pagmamadali. Me lamang isang cellphone, wallet, ilang alahas, at me mga papel pa. Wala akong pake sa mga yon. Hindi ako marunong magbasa, kaya shoot agad sa basura. Binuksan ko 'yung wallet, inaasahan kong me lilibuhin don. Pero wala. Putang inang matandang yon. Mayabang lang pala. Wala ding pera! Akala ko pa naman mauuwian ko ng masarap na pagkain si bunso...

Hindi ko naman ginusto 'to. Sinubukan kong manlimos dati, wala e. Madadamot ang mga tao dun sa simbahan. Akala mo kung sinong mga santo pag nagdadasal. Pag labas naman, puro ingos at irap lang inaabot ko. Hanggang sa wala na kong pagpipilian kundi itong ginagawa ko o mamatay sa gutom. Pinili ko 'to.

Wala na kong magulang. Wala na kaming maasahan. Kasama ko pang kapatid ko. Minsan, naaawa na lang ako sa kanya tuwing uuwi akong walang dala. Wala kaming magawa kundi umiyak, magtiis sa laway. Wala naman kasing ginagawa 'yung diyos na dinadasalan nila sa loob ng simbahan. Hindi niya ata kami nakikita.

Ginusto ko din makatuntong man lang sa paaralan, makahawak ng lapis at papel. Matutong magbasa't magsulat. Pero pa'no ko pa maiisip 'yon? 'yung pagkain nga namin mamayang gabi, hindi ko alam kung san ko kukunin e. Pambili pa ng lapis at papel? Hanggang pangarapp lang siguro talaga 'to. Pero sana... si bunso, mapag-aral ko. Ayokong lumaki siya kagaya ko. Ayokong kelanganin niya ding mandukot at magtatakbo para lang me maisubo. Ayoko.

Gusto ko maging doktor siya. Magkaroon ng kotse, makatira sa maayos na bahay. Gusto kong mabili niya lahat ng gusto niya, lahat ng wala ako. Lahat ng pinangarap kong magkaroon ako. Pero kung ganito ng ganito, mukang lahat ng gusto ko malabo.

Matapos ang mahaba habang paglalakbay ng utak ko, naabutan ko si bunso. Nakangiti. Asang asa siguro siya sa pagkaing dala ko. Ibinigay ko sa kanya 'yung supot. Dali dali niyang binuksan 'yon, kinain, ni hindi nagtanong. Kelan ba kami huling kumain ng kanin? Tatlo, apat na araw ng nakaraan? Bukas, ibebenta ko 'yung cellphone nung matanda. Maitatawid na siguro nun 'yung pangkain namin ng limang araw o baka mga pito pa nga. Kaso bertdey nga pala ni bunso sa makalawa. Gusto ko siyang ibili nuung keyk sa bakery. Masarap daw 'yon e. Kelangan ko ng pera. Ah. Bukas ko na iisipin 'yon. Ang mahalaga, nakakain kami ngayon.




Humiga ako sa karton, malamig 'yung kalsada. Matigas. Kelan ko kaya mabibili ng kutson si bunso? Sana bago ang kaarawan niya. Bukas, raraket ulit ako. Baka sakali. Baka sakaling swertehin ako bukas.


Ginising ako ng kalam ng sikmura, init ng araw sa mukha, busina ng bus, usok ng tambutso. Normal 'to. Putsa. Tinanghali na nga ako. Baka labasan na sa simbahan.


Tumambay ulit ako don, pumasok. Wala akong nakitang diyos. Hanggang ngayon, hindi ko pa din 'yon naiintindihan. Pero mas mahalagang makahanap ng maayus ayos na mabibiktima kesa maghanap ng kasagutan.




Palingun-lingon. Pero easy lang. Hindi ako dapat makita. Hindi ako dapat pahalata. Medyo sanay na din ako sa tagal ko 'tong ginagawa. Malapit ng lumabas 'yung mga tao sa simbahan. Malapit na din akong makakain ng agahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento