Isang shot, habang pinipinta mo sa isip mo 'yung maganda niyang mukha. Habang maingat mong inaalala bawat linya, bawat kulay, bawat damdaming nabuhay ng mukhang 'yon sa'yo.
Isang shot pa ulit, habang niraramdam mo ulit sa kamay mo 'yung kinis ng braso niya, 'yung init ng palad niya, 'yung lambot ng buhok niya, hanggang sa kung saan na mapunta.
Hanggang sa 'yung isang shot, nauwi sa lima. 'yung lima, naging isang bote na, hanggang isang case. Hanggang makalimutan mo na kung sino ka. Pero... hindi siya.
Habang lulong ka sa pait ng gintong likidong ginagamit mo para makalimot, parang asidong gumuguhit sa lalamunan mo lahat ng naaalala mong pangako.
Habang hilam ka sa sarili mong luha, pinapasakit pa lalo ng liwanag ng katotohanan na hindi na siya sa'yo. Wala na siya sa'yo.
Isang shot pa, hindi mo na kaya. Gusto mo ng tumakbo sa kubeta para sumuka. Gusto mo ng isuka lahat ng pakla, lahat ng masasamang alaala.
Hanggang sa makatulog ka, wala sa tamang hulog, pero lahat ng alaala niya, malinaw. Parang movie na tumatakbo sa utak mo. Nakakainis 'no? Kung alin pa 'yung ayaw mong maalala, siya pang hindi matanggal ng epekto nung gintong likido sa sistema mo.
Tapos lulunurin ka na ng luha, ng alak, ng lungkot. Makakatulog ka, saglit na makakalimot. Pero paggising mo bukas, katulad ng impyernong saglit mong iniwan pa din 'yung realidad mo.
Kaya 'yung sarap ng minsang pagpapakalunod, nagiging madalas. Para kahit saglit, makalimutan mo lahat. Para kahit saglit, manhid ka. Hindi ka nasasaktan.
(One Man Drinking Games by Mayday Parade)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento