Lunes, Hulyo 30, 2012

Optimist Prime

Hindi mo sinabi. Pero pinilit kong maniwala. Pinilit kong umasa. Baka kasi kakapilit ko, magpapilit ka. Baka sakaling makuha nung pag-asa ko lahat, magising na lang ako isang araw... bumalik ka na. Tayo na ulit. Ako na ulit.


Pero masaya ka na e. Hindi na nga ata ako nag-e-exist sa mundong ginagalawan mo. Minsan, napipilitan kang kahit papano silipin kung kamusta ko... pero syempre, dahil pa rin 'yun sa pagpipilit ko.


Sabi nila, malabo. Wala na daw pag-asa. Hindi ka na babalik, masaya ka na. Hindi ko alam. Pero pagdating sa'yo, antaas ng optimism ko. Tipong kaya ngang tumulak ng bundok, tipong kayang humati ng dagat. Kahit ipagsigawan pa ng tropa ko kung gaano kaimposible 'yung gusto kong mangyari, pinipilit ko. Pinapakita ko sa kanilang kaya ko ngang maghintay, na hindi ako nasasaktan.


Pero sa totoo lang, ang sakit na. Ang hirap na. Ilang taon pa 'yung sasayangin ko para sa'yo kahit alam ko namang kahit dumating pa 'yung taong 'yon, hindi pa din magiging tayo. Hindi ka na babalik. Sabi nila, hindi na. Wag na daw akong umasa. Pero ngingitian ko lang sila, kasi malakas ang pananalig kong babalik ka. Babalik ka. Di ba?


Kahit ilang beses mo ng pinagsisigawan sakin na hindi mo na ko mahal. Kahit ilang ulit ko ng narinig sa'yo na wala na nga. Alam ko, bibilang lang ako ng ilan pang taon, babalik ka. Tayo na ulit. Ako na ulit.


Hindi mo sinabi pero pinaniwalaan kong nanggaling sa'yo. Malabo pero inaasahan ko. Kahit pa sabihing isang linya lang ang pagitan ng pag-asa at pagpapakatanga. Kahit pa ma-stuck ako sa gitna o lumagpas pa ko sa tanga... Babalik ka. Tapos tayo na ulit. Ako na ulit. Sana nga, ganto na lang ulit...



2 komento: