Sa totoo lang, madami pa kong dapat isipin. Madami pa kong
mas dapat unahin. Kaso sabi sa economics, mas inuuna daw dapat ung mga bagay na
may mas mataas na utility. ‘yung mga bagay na mas makakapagbigay sa’yo ng
happiness at satisfaction. At bali-baliktarin ko man ang mundo, alam kong ikaw
pa din ang nasa front line kung utility ko ang pag-uusapan.
Kaya eto ko. Kahit acknowledgement pa lang ng thesis ko ‘yung
natatapos ko. Kahit nagagalit na si nanay sa dami ng back subjects ko at
inuulan na ng tres at singko ‘yung mga class cards ko. Eto ko. Iniintay ka
umuwi, gabi na e. Baka mapagtripan ka nung mga gago sa daan. Eto ko kasi kahit
itanong mo pa sa economics, tamang ikaw ang unahin ko.
Hindi ko din alam. Sabi mo, patunayan ko munang sarili ko.
Sabi mo, hindi tamang ikaw ‘yung pinagbubuhusan ko ng oras ko. E niloloko lang
pala ko ng economics e. Ginagago ko nung makapal na libro. Ba’t ako naniniwala?
Hindi ko alam.
Siguro… gusto ko lang bigyang eksplinasyon ‘yung kabaliwan
ko. Siguro… gusto ko lang bigyang paliwanag ‘yung kahibangan ko. Paliwanag na
hindi kayang banggain ng mundo. Paliwanag na pwedeng paniwalaan ng lahat ng
makasalubong ko. Tulad na economics. Tulad ng utility.
Pero kahit naman walang ganitong eksplinasyon, kahit walang
siyentipiko o ekonomistang depinisyon, wala naman akong pake kahit di nila
maintindihan, kahit hindi sila maniwala. Walang kaso kahit hindi nila
intindihin. Ang mahalaga lang naman sa pag-ibig… ‘yung dalawang taong
nagmamahalan. ‘yung iba, may iba silang mundo. Mundong sila lang din ‘yung
gustong umintindi, sila lang din ‘yung magkakaintindihan.
Kaya eto ako. Gumagawa ng mundo para sa’yo kung san ‘yung
utility, katulad sa economics, ‘yung dapat inuuna. Kung san kung saan ka mas
magiging mas masaya, dun iikot. Kasi kahit gawin ko pang kwadrado ‘yung mundong
ginagawa ko, lahat ng kanto non, nakapangalan sa’yo.
Kaya kahit madami pa kong dapat i-analyze na survey, madami
pang chapters’yung thesis kong nasa bingit pa din ng alanganin at kahit naiinip
na ‘yung diploma ko sa tagal ng overdue niya, eto ko. Kahit madami pa kong
dapat isipin, madami pa kong dapat unahin, eto ko. Kasi sabi sa economics, mas
dapat daw bigyang priority ‘yung mga bagay na may mas mataas na utility. ‘yung
mga bagay na makakapagbigay sa’yo ng happiness at satisfaction. Kaya eto ko…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento