Sabado, Hulyo 7, 2012

Gusto ko ng Kape



Gusto ko ng kape.

Gusto ko ng concert ticket ng Maroon 5.

Gusto ko ng lovelife.

Pero kung tatanungin ako kung anong pinakagusto ko… gusto ko ng kape.


Bakit? Una, pinakamadali kasi ‘tong makuha sa lahat ng gusto ko. Kelangan ko lang ng isang kutsarang asukal, isang kutsarang creamer at ¾ na kutsarang kape, masaya na ko. O kahit nga sa limang piso, me kape ng mabibili sa kanto.

‘yung concert ticket ng Maroon 5, nakakaguilty gastusan. Hindi naman kasi kelangan sa pag-unlad ng pagkatao ko ‘yon, pero dahil extreme ang pagnanasa ko ke Adam Levine, gagastusan ko ‘yon. Magalit ng magagalit.

‘yung lovelife… hindi naman talaga kelangan ‘to. Gusto ko lang ng inspirasyon habang pinaparamdam sakin ng mabubuti kong prof ‘yung kaibahan ng impyerno at purgatoryo.

E ano kung wala kang boyfriend? E ano kung wala kang lovelife? Di naman ‘yun pamantayan ng ganda. Di rin pamantayan ng talino. Kaya lang… eto ‘yung phase ng buhay mo na madami kang makakasabay sa LRT na naglalampungan, madami kang makakasakay sa jip na kulang na lang pumatong sa isa’t isa sa sobrang lambingan, madami kang makakasalubong na kung magyakapan kahit hangin hindi makakadaan sa pagitan. Kung medyo malakas ang atake ng inggit sa’yo, gugustuhin mo din ng ganito. Iwi-wish mo din sa wishing feather na sana me kasabay ka din pauwi na magdadala ng bag mo. Pero masyadong childish. Pero dahil gusto mong makibagay, magpapaka-childish ka na lang din.

E ano kung brokenhearted ka? E ano kong bitter pa din ako? Hindi lang naman tayo ‘yung natitirang wasak sa mundo. Madami sila. Madami tayo.  Pero na-realize kong hindi dapat tumatambay sa stage na ‘to. Hello? Hindi lang sa’yo umiikot ‘yung mundo at hindi ‘yon hihinto para sa’yo. Narinig mo na ‘tong paulit-ulit. Pero hindi ka naman talaga nakinig. Broken ka e. Pero isipin mo din, hindi magiging 400 days ang araw sa isang taon para lang hintayin ka ng mundong magmove-on.

Hindi ka naman mag-isa. Madami akong nakakasabay kumain sa kung saan saan na walang kasama. Tipong kakain ka sa Greenwich at hindi mo maeenjoy ang pizza kasi nasa gitna ka ng limang couples na umorder ng extra sweetness sa counter kanina. Maiisip mo na lang, sana me naoorder ding boyfriend sa cashier. At for sure, madaming kakagat sa ideang ‘yon. At lahat willing to wait pa.

Hindi ka nga kasi mag-isa. ‘yang katabi mo sa jip na kanina pa nakikibasa ng texts mo habang nag-aaway kayo ng boyfriend mo at nasa verge ng isang masalimuot na breakup, nagpaparty na ‘yan kasi ramdam na ramdam na niyang malapit ka ng magaya sa kanya at malapit ka ng maging myembro ng Ampalaya Society. ‘yang kasama mo sa CR na kung makatingin sa’yo kala mo ikaw lang ang nawasak ng ganyan sa balat ng earth e nagpapanggap lang ‘yan, nagawa niya na din kasi dating umiyak sa public CR nung mabroken siya. Ngayon, kelangan niyang gumanti para marevive ang sarili niya. Para masabing hindi pa din pala siya ganun ka-gaga kasi me katulad mong mas gaga pa.

Almost 70% ng feeling concerned citizen sa’yo o ng mga usiserong walang magawa sa buhay kundi mangealam at payuhan ka ay broken din kagaya mo, kaya bakit ka magmumukmok? Dae mong friends o! ‘yun nga lang, hindi naman kasi talaga friend ‘yung hanap mo. Nakakainis pang isipin na mas mainit pa ‘yung kapeng iniinum mo sa lovelife mo. Pero keri lang. Ganun e.

At least, meron pa ding mga bagay na pag ginusto mo, makukuha mo. At least sa tatlong gusto ko, dalawa ‘yung me pag-asang makuha ko. Meron na kong kape. Meron na kong pambili ng concert tickets. Wag lang magjo-joke ang tadhana na sold out na agad at makukuha ko din ‘to.

Pero sa ngayon, mukang kelangan ko na lang idaan sa tamang time management, tamang mindset at tamang dosage ng caffeine ‘yung purgatoryong feel na feel iparamdam samin ng mga profs ko. O kaya ienjoy ang init ng impyerno kasabay ng mainit na kape.

Sa huli, gusto ko ng kape. Gusto ko lang ng kape.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento