Buwan ng wika. Kalagitnaan na nga. Uso na naman programs sa
high school at elementary ngayon. Pabonggahan ng saya at barong. Me dahun-dahon
pa ngang nilalagay sa ulo magmuka lang makata e. Pero ‘yung totoo?
Naiintindihan mo ba kung bakit ginaganap ‘to tuwing Agosto?
Useless kasi kung hindi.
Pilipino ako. Weh? Hindi ko din alam. Sabi ng lolo ko, me
lahi daw kaming Intsik, tapos me lahi pa siyang Espanyol na pinagkakakana. So
dapat pala masaya ko pag ‘yung Panatag Shoal, nakuha ng China?
Sa dami ng pinaghalu-halong lahi sa dugong nananalaytay sa
mga ugat ko, hindi ko din alam kung Pilipino nga ako. Ikaw? Alam mo?
Kung susundin ‘yung jus
sanguinis na itinuro nung Grade 4 ako na hindi ko malaman kung anong meron
at naaalala ko pa, Pinoy ka basta Pinoy ‘yung magulang mo. Sa citizenship ‘yan
‘tol, baka di mo pa naririnig kasi Grade 3 ka pa lang. Pero ‘yun nga. E
parehong me lahing iba magulang ko e, so ano? Pinoy ba ko?
Kung susundin naman ‘yung jus loci/soli, Pinoy ka kung isinilang ka sa Pilipinas. Dito naman
ako sinilang, so… masasabi ko na bang Pinoy nga ako?
Madaming criteria. Madaming tinuturo. Pero sa dami ng alam
mo at sa dami pa ng nalalaman mo bawat bukas mo ng internet at dahil na din sa
bawat viral photo o status sa Facebook na nila-like mo, pa’no mo na nga ba
malalaman at masasabing “Pinoy ako”?
Ang hirap kasi e. Andaeng nanakop satin. Apelyido lang
natin, tunog Espanyol, Hapon, Intsik at Kano na. ‘yung kinakain natin, kundi
Western, stateside pa. Aminin mo. San ka mas natatakam, lugaw o pizza? Di ba
nga naghahanap ka ng burger t’wing break time niyo sa eskwela with matching
Coke o Pepsi pa habang nagsasoundtrip ng mga kantang me lyrics na hindi mo
naman alam kung minumura ka na? Bengeul benguel benguel benguel… Ay puta! Kapit
sa google translate ang peg mo maintindihan lang ‘yung kanta.
Tsaka lalabas ka ba ng bahay ng naka-baro’t saya kundi buwan
ng wika? Anak ng pitumpu’t pitong puting tupa! Pagtatawanan ka nung mga
naka-supra sa kanto. Baka balibagin ka pa ng bling-bling nila.
So pano mo nga masasabing Pinoy ka? Di ba mas cute when you
make salita in English with the American twang and make salisi lang some
Tagalog words for you to sound like Atenista? E di ba nga mas ayos kung
naka-puke short ka pag rumarampa?
Mas inaabangan pa nga natin kung sinong kakanta ng American
National Anthem sa laban ni Pacman kasi Hollywood sila. ‘yung Pinoy singer sa
Amerika, di mo na sinuportahan, pipintasan mo pa. Mali pagkakakanta e. Palit
kaya kayo, maitama mo kaya?
Ang hirap kasi sa umaga, gigising ka’t maaamoy mo ‘yung tender
juicy hotdog na luto ni mama sabay may chocolate na dessert galing Switzerland,
me noodles padala ni ate from Japan tapos papasok ka sa school dala ‘yung Nike
mong bag kung nasan ‘yung Iphone mo’t Ipad, suot ‘yung Converse mong sapatos at
dala ‘yung kung anu ano pang padala sayo ni Papa galing Saudi.
Ang hirap malaman nung pinagmulan mo kasi kapapanganak mo pa
lang, Intsik na ‘yung pangalan ng ospital. ‘yung mga laruan mo, made in China.
‘yung mga damit mo imported from Amerika. ‘yung salita mo, halu-halo na.
Nag-evolve pa ‘yung wika mo from Jejemon to Harharmon at me Bekimon pa. Di ba?
Hirap ungkatin kung ano ka talaga kasi simula pagkabata,
dayuhan ka na. Ang kilala mong super hero ay si Batman, Superman at kung
sinoman. Nanonood ka sa Disney Channel o kaya Nickelodeon. Mas kilala mo si
Recca at Eugene kesa kila Darna at Capt. Barbel. Ang korni kasi nila. Wala
silang kamehame wave at raegan.
Ang saklap pa. Pag-aaralin ka sa Catholic school,
ipapakilala sa kulturang espanyol, ililipat sa another private school,
pag-aaralin ng French, Spanish at Latin habang ang school niyo ay English
speaking zone. E san pwedeng mag-Tagalog? Ang hirap maging Pinoy ‘no?
Tapos ngayon, buwan ng wika. Pipilitin kang ituwid ‘yang
baluktot mong dila at papatulain ka ng “Magalang na Bata” kahit slang na slang
ka kasi Pinoy ka? Kundi ba naman toyo ‘no? Hindi mo tuloy malaman kung bakit me
Buwan pa ng Wika at kung bakit kelangan mong magbaro’t saya tuwing Agosto. Pero
‘yung totoo, trip mo ba talagang isigaw na “Pinoy me” este “Pinoy ako”?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento