Sabado, Setyembre 1, 2012

Dancing Fountain


Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko. Sumasayaw na tubig. May mga halakhakan. May paminsan minsang dampi ng lamig dala ng hangin sa balat ko. Pero hindi ko sila makita, hindi ko sila madama.

Masarap pagmasdan ‘yung ningning ng mga bituin sa madilim na ulap. Dati, tuwing makikita ko sila, meron akong nakikitang malungkot na mukha. Maraming alaala. Madilim. Talo ‘yung ningning ng mga tala. Pero ngayon, wala akong makapang lungkot. Wala akong makapang panghihinayang. Wala akong maaninag na mukha.

Tumingin ako sa sumasayaw na ilaw, pinakiramdam ko ‘yung lamig ng dampi ng tubig dala ng hangin. Wala ‘yung hinatid na lungkot sakin. Hindi tulad dati.  

Nakatingin ka sa malayo. Mas maliwanag pa ‘yung mata mo sa ilaw na sumasayaw. Tiningnan ko ‘yung palabas, hindi ako natuwa. Tiningnan kita, sumaya ko bigla. Naglalaro sa mga mata mo ‘yung ilaw na nililikha nung palabas. Mas gusto kong panuorin sa mata mo ‘yung mga ilaw.

Minsan, sapat ng nakakasama mo lang ‘yung isang tao. Minsan sapat na na kahit nakaw lang, napagmamasdan mo ‘yung mata niya, naririnig mo ‘yung boses niya, nakikita mo ‘yung ngiti niya. Minsan sapat ng kahit alam mong malabo, nakakalapit ka. Na kahit walang salita, kahit walang kasiguraduhan, masaya ka. Kahit alam mong ngayon lang. Kahit alam mong maya-maya, mawawala. Kahit alam mong bukas, pag gising mo, iiyak ka lang kasi wala na. Minsan, sapat na din ‘yung umasa ka.

Kapag humihigpit na ‘yung mga yakap at hawak kamay, mas mahihirapan ka na bumitaw. Alam mo ‘yun. Pero dahil masaya ka, mas gugustuhin mong mahirapan bumitaw basta maramdaman lang na minsan, humawak ka. Kumapit. Minsan, naging masaya kasama siya.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko pero hindi ko sila makita, hindi ko sila madama. May sumasayaw na tubig, may halakhakan, may magandang musika. Pero ang pinakaramdam ko sa lahat? ‘yung lamig ng dampi ng hangin. ‘yung layo ng pagitan natin. ‘yung sakit na dapat kong tanggapin.
Na pagtapos ng palabas, kapag pinatay na ‘yung ilaw, kapag wala na ‘yung tubig na sumasayaw, kailangan ko na ulit itago ‘yung nararamdaman ko.
Hindi ko masabi kasi ako ‘yung nagtayo nung pader na binubuwag ko. Hindi ko alam kung pano sasabihin kasi, hindi ako sanay. Pero sana masabi ng mata ko. Sana makita mo. Kung hindi, sapat na ko sa ganito. Sapat ng minsan, kasama kita. Minsan, nakita kitang masaya. Sapat ng minsan, andyan ka.

Katulad nung sumasayaw na tubig ngayon, hindi kita mahawakan. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip mo, hindi ko alam kung anong nararamdaman mo. Pero patuloy ka lang sa paggalaw. Patuloy ka lang sa pag-agaw sa mga bagay na hindi sa’yo, gaya ng isip ko, ng puso ko.

Hindi ko masabi kasi natatakot ako. Sa likod ng sayang hatid ng pagsayaw ng tubig at mga kulay na nakikita ko, maraming nagtatago.

Dumampi ulit ‘yung malamig na hangin. Pinaramdam lang nun ulit sakin ‘yung mga bagay na gusto kong iwan kasama ng mundo. ‘yung lamig, ‘yung layo, ‘yung sakit.

Nagsalita ka. Nagtanong. Tumawa lang ako. Hindi ako sumagot. Mas gusto kong makinig sayo. Mas gusto kong humilig sa balikat mo. Tahimik lang. Hayaan mo lang ako. Baka sakaling makita mo. Baka sakaling maramdaman mo. Hindi ko kayang sumagot kasi baka mali ‘yung masabi ko. Isang maling sagot, mawawala ka. Hindi ako nagsasalita kasi hindi ko kayang sabihin. Hindi ko kayang mawala ka.

Kung pwede lang habang nag-eenjoy lahat sa mga ilaw, mawala tayo. Lumipad. Dun sa lugar kung san wala yung mga kinakatakot ko. Wala ‘yung pader na tinayo ko.

Tiningnan kita. Mukha kang masaya. Sana pwede pa. Sana wag mo mahalata pero sana makita mo. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Hindi ko kayang mawala ka pero hindi ko naman alam kung anung gagawin ko para manatili ka. Hindi ko alam.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko pero hindi talaga ‘yun ‘yung dahilan kung bakit ako masaya. Kasi kahit ano pang saya ng kulay, walang dating kung wala ka.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko, may mga halakhak sa paligid pero hindi ko sila marinig. Kasi mas malakas pa din ‘yung sinisigaw ng puso ko kesa sa ingay nila.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko, may sumasayaw na ilaw pero mas malinaw ka kesa sa ano pa mang malinaw.

Andaeng magagandang bagay sa paligid pero wala akong makita. Andaeng masasayang bagay pero wala ‘yung saysay. Ang alam ko lang, masaya ko kasi kasama kita. Masaya ko kasi andyan ka.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko. Sumasayaw na tubig. May mga halakhakan. May paminsan minsang dampi ng lamig dala ng hangin sa balat ko. Pero hindi ko sila makita, hindi ko sila madama. Ang alam ko lang mahal kita.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento