Gusto ko ng kape.
Gusto ko ng concert ticket ng Maroon 5.
Gusto ko ng lovelife.
Pero kung tatanungin ako kung anong pinakagusto ko… gusto ko
ng kape.
Bakit? Una, pinakamadali kasi ‘tong makuha sa lahat ng gusto
ko. Kelangan ko lang ng isang kutsarang asukal, isang kutsarang creamer at ¾ na
kutsarang kape, masaya na ko. O kahit nga sa limang piso, me kape ng mabibili
sa kanto.
‘yung concert ticket ng Maroon 5, nakakaguilty gastusan.
Hindi naman kasi kelangan sa pag-unlad ng pagkatao ko ‘yon, pero dahil extreme
ang pagnanasa ko ke Adam Levine, gagastusan ko ‘yon. Magalit ng magagalit.
‘yung lovelife… hindi naman talaga kelangan ‘to. Gusto ko
lang ng inspirasyon habang pinaparamdam sakin ng mabubuti kong prof ‘yung
kaibahan ng impyerno at purgatoryo.
E ano kung wala kang boyfriend? E ano kung wala kang
lovelife? Di naman ‘yun pamantayan ng ganda. Di rin pamantayan ng talino. Kaya
lang… eto ‘yung phase ng buhay mo na madami kang makakasabay sa LRT na naglalampungan,
madami kang makakasakay sa jip na kulang na lang pumatong sa isa’t isa sa sobrang
lambingan, madami kang makakasalubong na kung magyakapan kahit hangin hindi
makakadaan sa pagitan. Kung medyo malakas ang atake ng inggit sa’yo, gugustuhin
mo din ng ganito. Iwi-wish mo din sa wishing feather na sana me kasabay ka din
pauwi na magdadala ng bag mo. Pero masyadong childish. Pero dahil gusto mong makibagay,
magpapaka-childish ka na lang din.
E ano kung brokenhearted ka? E ano kong bitter pa din ako? Hindi
lang naman tayo ‘yung natitirang wasak sa mundo. Madami sila. Madami tayo. Pero na-realize kong hindi dapat tumatambay sa
stage na ‘to. Hello? Hindi lang sa’yo umiikot ‘yung mundo at hindi ‘yon hihinto
para sa’yo. Narinig mo na ‘tong paulit-ulit. Pero hindi ka naman talaga
nakinig. Broken ka e. Pero isipin mo din, hindi magiging 400 days ang araw sa
isang taon para lang hintayin ka ng mundong magmove-on.
Hindi ka naman mag-isa. Madami akong nakakasabay kumain sa
kung saan saan na walang kasama. Tipong kakain ka sa Greenwich at hindi mo
maeenjoy ang pizza kasi nasa gitna ka ng limang couples na umorder ng extra
sweetness sa counter kanina. Maiisip mo na lang, sana me naoorder ding
boyfriend sa cashier. At for sure, madaming kakagat sa ideang ‘yon. At lahat
willing to wait pa.
Hindi ka nga kasi mag-isa. ‘yang katabi mo sa jip na kanina
pa nakikibasa ng texts mo habang nag-aaway kayo ng boyfriend mo at nasa verge
ng isang masalimuot na breakup, nagpaparty na ‘yan kasi ramdam na ramdam na
niyang malapit ka ng magaya sa kanya at malapit ka ng maging myembro ng
Ampalaya Society. ‘yang kasama mo sa CR na kung makatingin sa’yo kala mo ikaw
lang ang nawasak ng ganyan sa balat ng earth e nagpapanggap lang ‘yan, nagawa
niya na din kasi dating umiyak sa public CR nung mabroken siya. Ngayon,
kelangan niyang gumanti para marevive ang sarili niya. Para masabing hindi pa
din pala siya ganun ka-gaga kasi me katulad mong mas gaga pa.
Almost 70% ng feeling concerned citizen sa’yo o ng mga
usiserong walang magawa sa buhay kundi mangealam at payuhan ka ay broken din
kagaya mo, kaya bakit ka magmumukmok? Dae mong friends o! ‘yun nga lang, hindi
naman kasi talaga friend ‘yung hanap mo. Nakakainis pang isipin na mas mainit
pa ‘yung kapeng iniinum mo sa lovelife mo. Pero keri lang. Ganun e.
At least, meron pa ding mga bagay na pag ginusto mo,
makukuha mo. At least sa tatlong gusto ko, dalawa ‘yung me pag-asang makuha ko.
Meron na kong kape. Meron na kong pambili ng concert tickets. Wag lang
magjo-joke ang tadhana na sold out na agad at makukuha ko din ‘to.
Pero sa ngayon, mukang kelangan ko na lang idaan sa tamang
time management, tamang mindset at tamang dosage ng caffeine ‘yung purgatoryong
feel na feel iparamdam samin ng mga profs ko. O kaya ienjoy ang init ng
impyerno kasabay ng mainit na kape.
Sa huli, gusto ko ng kape. Gusto ko lang ng kape.