Linggo, Abril 29, 2012

Teleserye Settings

(Dreaming with a Broken Heart by John Mayer)

Tatlong araw... tatlong araw tumatakbo 'to sa isip ko, simula nung kausapin mo ko sa gitna ng pool habang may background music. Director's Cut pa nga 'yon ng Kamikazee. Mala-teleserye 'yung setting natin. May pekeng waves. Malamlam 'yung araw. May audience. Kulang na nga lang ng camera. Pero hanep sa script. Tagos sa buto. Wasak ang laman.

Hindi ko pinangarap tumabi sa'yo. O, siguro, pinangarap ko. Pero hindi sa ganitong tagpo. Ngayon nga lang tayo nag-usap ng ganito e. Dalawang taon din 'yon. Dalawang taong parang tayo. PARANG. Katulad ng uso sa lahat ng high school, MU. Magulong Usapan. Pero iba 'yung atin. Malalim. Sa sobrang lalim, gusto kong malunod.

Nakatitig ako sa'yo. Nakatitig ka sa malayo. Habang dinedeliver mo 'yung pamatay mong dialogue. Paker 'yung writer ng script mo, dude. Ang sakit. Piling piling pili 'yung mga salita. Maingat. Sa sobrang ingat, nakakasugat.

Sabagay... ilang beses na din namang ganito di ba? Nakahawak ako, bibitaw ka. Babalik ka, tatanggapin kita. Aalis ka ulit, iiyakan kita. Babalik ka, tatanggapin kita. Minsan nga, aalis ka, hahabulin kita, may iyak pang kasama. Paulit-ulit tayo. Pero hindi kita magawang iwan talaga. Una, masakit. Pangalawa, hindi ko kaya.

Mahirap magsimula. Binuo ko kasi 'yung buhay ko na kasama ka na. Korni. Sabi nga kasi ni Taylor Swift sa kanta niya:"coz when you're fifteen, somebody tells you they love, you gotta believe them." Well, hindi ko idadahilan na fifteen ako nun kaya naniwala ako. Kagaguhan 'yon pero medyo totoo.

Tatlong araw... tatlong araw akong tulala, umiiyak. Mukha na nga akong tanga. Inalis ko agad 'yung sim kong smart kasi natatakot akong masaktan ulit. Baka kasi magtext ka pa. Ay hindi. Mas natatakot akong tanggapin 'yung katotohanang hindi ka na talaga magtetext kasi nga sabi mo, tama na. Tapos na. Kalimutan na kita.

Ilang araw ko ding pinaulit-ulit sa sarili ko lahat ng sinabi mo. Pinaulit-ulit ko para magising ako. Kaso tuwing gigising ako, natatagpuan ko lang 'yung sarili kong nakakulong. Tumatakbo. Ang masaklap, pabalik sa'yo. Ilang beses ko naman pinilit lumayo kaso... mahirap. Hindi ko kaya. Mahirap layuan 'yung taong pinangarap mong makasama. Pero anong magagawa ko? Palayo ka na. Tapos na 'yung script mo. Ako naman magbabato ng linya.

Kung sa teleserye talaga 'yun, masyado sigurong makapagbagbag damdamin 'yung magiging sagot ko dapat. Kaso pagdating sa'yo, nawawala pagiging writer ko. Nawawala nga katinuan ko e. Kaya sa hinaba haba ng sinabi mo, isang okey lang 'yung nasagot ko. Ande ko sanang gustong sabihin. Andaeng isinisigaw ng utak ko kaso hindi lumabas. Hindi ko kabisado. Pang-Famas kasi 'yung acting mo, kinain ako.

Kaya tumayo ka na lang. Katulad ng dati, wala na kong sinabi. Hayup! Tumagal tayo ng dalawang taon na ni hindi nag-uusap. Pero sana hindi na nga lang...

Dahil pang-teleserye nga 'yung setting natin, nung papalayo ka na, lumakas naman 'yung pekeng waves. Kasing lakas nung bayo sa dibdib ko na hindi ko alam kung san galing. Pumatak unti unti 'yung pesteng ulan. Habang ang tirik tirik ng araw. Ayos! Sinalubong ko 'yung malakas na alon. Langoy papuntang 6feet kahit takot ako dun. Basta malayo sa'yo. Hindi mo pwedeng makitang umiiyak ako.

Pagtapos ng climax ng pagkabrokenhearted ng bidang babae sa kahit anong teleserye, kailangan kong ngumiti. Andun 'yung classmates natin e. Kinikilig pa nga sila na nag-usap tayo. Kung alam lang nila.

Maya-maya, nagkayayaan na. Picture picture. Ngiti kung ngiti. Hindi ko alam kung pa'no ko naipon lahat ng lakas ng loob ko para lumapit pa sa'yo. Pero bahala na. Huli na 'to.

Tatlong araw...tatlong araw kong pinanood sa talukap ng mata ko, 'yung pangteleserye nating setting, 'yung mukha mo habang dinedeliver 'yung script mong award-winning. Tatlong araw din naglaro sa tenga ko 'yung pakshit mong dialogue kasabay 'yung lahat ng malulungkot na tugtog. Ramdam ko pa din 'yung hampas ng pekeng waves, 'yung patak ng ulan, 'yung sakit. Tagos sa buto. Wasak ang laman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento