Sabi sa
librong sinimulan kong basahin pero di ko naman natapos, isa lang daw sa kada
limang tao ‘yung nakakatuluyan e ‘yung true love nila. Ah, siguro. Pwede din
namang powertrip lang ‘yung author nun. Pero malamang sa hindi, oo. Kasi wala
akong makitang statistics saan mang lupalop ng Wikipedia.com na ganitong
porsyento lang daw ‘yung totoong mahal nila ‘yung pinipili nilang makasama.
Pwede din. Baka wala pang nakakaisip mag-thesis o survey man lang tungkol dun.
Pwede. Ewan.
Pero… ayoko
talagang maniwala sa stat kung meron man. Ayoko din patulan ‘yung powertrip
nung author nung libro. Kaso palagay ko, nakita ko na ‘yung true love na ‘yun.
At may idea na ko kung bakit hindi lahat ng tao, kayang ipaglaban ‘yung true
love na buong buhay nila hinanap/hinintay/pinangarap/pinag-emote.
Kung
susumahin, kasama ko dun sa apat na malas, na kung sa anumang di ko
maintindihang dahilan ay hinayaan na lang maging theme song ng buhay nila ‘yung
“the one that got away” ni Katy Perry. In kasi. Ganun ba?
Well,
hindi naman talaga ng dahil lang sa kantang ‘yun e. Maraming dahilan. Unahin na
natin ‘yung paboritong drama scheme ng mga writer ng teleserye na
pinagpupuyatan mo gabi-gabi kahit paulit-ulit lang. The langit-lupa, it is!
‘yung tipong mayaman siya, mahirap ka o vice versa. Tubig at langis, sabi nga
sa kanta. E di ba ‘pag sa TV, possible ‘yun? Na kahit anong sibat ang ihagis sa
pagitan niyong dalawa, in the end, you’ll live happily ever after. Pero shit, sa
totoong buhay, walang ganito. Kung meron man, madalang. Mas madalas pa siguro
ang full moon.
Isa pa,
‘yung na sa’yo na, binitawan/pinamigay/pinakawalan mo pa. Ewan. Tipong Popoy at
Basya. Sa pelikula, normal ‘yung second chance kaya sa huli, masaya sila. Pero
dude, baka nakakalimutan mo, hindi ka artista. At walang director na mag-uutos
sa’yo kung pa’no mo susuyuin pabalik ‘yung mahal mo. Wala ring korning writer
na baliw sa happy ending na magbabago ng ihip ng hangin para magkabalikan kayo.
Kaya ‘yung pinatangay mo sa agos, mananatiling malayo sa’yo. Pwera na lang kung
may dugong scriptwriter ka at kaya mong paikutin ang ulo niya para balikan ka.
In that case, congratulations!
Meron pa,
mahal na mahal ka, sinasantabi/binabasura mo lang, e kasi mahal ka e. Ang
gwapo/ganda mo kaya? Keber! Ayun, nagsawa, iniwan ka saka na-realize ng
magaling mong coconut shell na mahal mo pala. Pa’no mo hahabulin? Pa’no kung
nakahanap na ng mas magmamahal sa kanya? Nganga, bro? Nganga! Parang pareho
lang ‘to nung pangalawa pero magkaiba talaga sila. Pumayag ka na para mas
humaba ‘tong ampaw kong artikulo.
Pero eto
‘yung mahirap, ‘yung mahal mo, mahal ka, pero pareho kayong may “mahal” kunong
iba. Pakiramdaman. Walang aminan. Ganun. Para kayong gagong nagpi-pretend na
masaya pero deep down inside, you’re both hurting. Gago nga kasi kayo. May mas
mahirap pa e. ‘yung hanggang kaibigan lang? tipong movie nila Gerald Anderson
at Kim Chiu na nag-flop? Ewan. Di ko tanda. Pero i-research mo ‘yun tas
panoodin mo, ganun ‘yung sinasabi ko. ‘yung hanggang friends lang daw, pareho
namang may malisyang ramdam, inarte lang. Ending? Kundi ka bestman/maid of
honor sa kasal ng mahal mo, wedding singer o kaya coordinator. Sakit di ba?
Habang naglalakad siya palapit sa altar o habang nag-iintay siya sa altar, ikaw
malayo. Di ka bride/groom e. Bestfriend ka, dude. Ang pa-konswelo de bobo na
lang, second parent ka ng anak niya. SECOND!
Isa pang
masakit, ‘yung binigay mo na lahat dahil mahal na mahal na mahal mo talaga
tapos bigla kang iniwan, dala lahat sa’yo. ‘yung puso mo, utak mo, mundo mo,
atay-balunbalunan atbp. Korni pero ganito naman ‘yung kadalasang dahilan kung
bakit ka naglalasing sa bar di ba? Inum ka ng inum, di mo naman pala kaya.
Gusto mo kasing makalimutan. Kaso lalo kang nalalasing, lalo ka lang
bumibitter. Ang labo.
Ang dami
pala talagang dahilan? Pero naisip mo ba, kung isa ka dun sa apat na
pinagkaitan ng tadhanang makasama ‘yung true love mo, na baka quits lang naman
pala kayo?
Malay mo
habang pinipilit mo siyang kalimutan o kaya habang nagpapakalunod ka sa alak,
ganun din ‘yung gianagawa niya. Pero ‘wag kang umasa, hindi dahil sa’yo. Dahil
din dun sa true love niyang hindi napasakanya. Saklap ‘no? Pareho naman pala
kayong mapakla, di na lang kayo pinagsama. Pero ganun talaga e. Isa ka kasi dun
sa apat na malas according sa author nung libro.
Siguro sa apat na 'yun, yung iba, umaasa pa.
Naghahanap pa, nag-iintay. Meron din sigurong sumuko na. Nawalan na ng gana.
Wala ka naman kasing kasiguraduhan sa pag-ibig. Para kang tumataya sa lotto.
Kahit alam mong out of millions 'yung probability mong manalo, gagastos ka,
susugal. Swerte lang nung mga jackpot winner, nanalo sila. E ikaw, swerte ka
din ba?
Nasulat ko lang naman ‘to kasi pakiramdam ko nakita ko na ‘yung posibleng true love ko. Kaso kakaiba ‘yung konteksto. Masyadong imposible kaya siguro, makikikanta na lang ako ng “the one that got away” kasabay niyo, sabay inum sa shot glass, sabay punas ng luha, sabay sigaw, kanta, hiyaw hanggang sabihin ni direk na cut. Pero walang happy ending, kasi hindi siya si Popoy at hindi ako si Basya. Hindi pwedeng mang-plagiariza ng istorya :)
(gusto ko lang 'to i-share... ang ganda lang kasi ng feedback nung nasa facebook.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento