Huwebes, Abril 26, 2012

3-in-1



Malamig na ‘yung kape. Ubos na nga ‘yung akin. Hinihintay ko pa din. Umupo ka sa tabi ko. Ngumiti. Tumingin sa mata ko. Magkape…

Hindi ko pa din tinatanggal ‘yung 3-in-1 sa bulsa ko. Umaakyat ako sa roof deck ng opisina tuwing alas otso. Nakikita ko ‘yung ngiti mo, ‘yung kamay mo habang hawak ‘yung mug mo; kulay black ‘yon, may ukit ng pangalan mo, may kaunting pingas na sa tagal pero sabi mo, ‘yun pa din ang gagamitin mo kasi galing sa kanya ‘yun. Madalas mo siyang ikwento t’wing nagkakape tayo. Habang ako ang kausap mo…

Madalas kang nakatingin sa malayo… sa sobrang layo, naisip ko kung sa dalas ba ng pagkakape nating magkasama, nag-aksaya ka ng oras tingnan ako? Malapit. Halos kadikit mo na nga. Pero ramdam ko ‘yung layo.

Tapos ngingiti ka. At mag-uumpisang magkwento tungkol sa kanya…
Makikinig ako. Habang inuubos ‘yung mapait kong kape. Hindi ko alam. Matamis ‘yung 3-in-1 pero nakasanayan ko ng mapait ang lasa nun ‘pag ikaw ang kasabay ko magkape.


Titingin ka sa mga ulap. Sabi mo non, malungkot siguro mag-isa tumingin don. Gusto kong sumagot na hindi. Mas malungkot tumingin don habang kasama ka pero ibang hinihintay mong magkape kasama mo. Pero hindi ko ‘yon nasabi. Hindi ko kaya. Isang maling salita at mawawala ka…

Uminom ka sa mug. Ngumiti ng mapait. Tumingin sa’kin. May ibang ningning sa mata mo ngayon. Ningning na gusto kong bigyan ng kahulugan. Makahugot man lang kahit konting pag-asa.

Bigla mong sinabing ubos ng kape. Tumayo ka. Inaya na kong bumaba. Marami pang nag-iintay na trabaho sa’tin. Kahit gusto ko pang pagtagalin ‘yung tagpong ‘yun, hindi pwede. Bukod sa ayaw mo na, magagalit ‘yung supervisor ‘pag na-late tayo ng baba. Kaya tumayo na din ako. Tumingin ulit sa ulap. Ngumiti ng mapakla. Hiniling na sana kahit isa sa mga bituin na ‘to marinig ako. Kahit isa.


Nagmamadali ka. Hinawakan mong kamay ko. Nagpatiuna. Kung pwede lang wag matapos ‘to. Kung pwede lang magtagal na hawak mong kamay ko… sana marinig ng bituin…

Bago ko binuksan ‘yung pinto para makapasok na tayo sa loob, binawi mong kamay mo. Gusto kong itanong kung bakit. Gusto kong bawiin pabalik. Ngumiti ka.

Minsan, ang sarap bigyang malisya ng ngiting ‘yun. Kundi lang sa lungkot sa mata mo. Kundi lang alam ko kung gaano ka kalayo.

Papasok tayo ng opisina na parang walang nangyari. Tsk. Naalala ko. Wala naman talaga.

Ngingiti ka sa iba. Babati ng masigla. Parang hindi ka nalungkot katulad kanina. Hanggang sa magbalik tayo sa trabaho. Malayo. Susulyapan kita. Pagmamasdan pa nga. Pero hindi mo mararamdaman. Lumilipad na naman siguro ‘yung isip mo sa iba. Sa kanya…



Iilaw ang cellphone mo. Mapapangiti ka. Katulad ng lagi, malungkot na ngiti. Mapapailing na lang ako. Swerte na kung makaisa o dalawang beses kang titingin sa gawi ko, iniintay ko ‘to gabi gabi. Ngayon, napatingin ka. Parang gusto mo ng umiyak. Sana next time ‘pag tiningnan mo ko, ‘yung ngiti mo masaya naman di ba? Kahit isa lang partner.

Day off mo bukas. Sana pumayag kang lumabas muna tayo mamaya. Kahit uminom lang ulit ng kape. O kaya sabay tayo mag-agahan para maiba naman. Pero katulad ng dati, susunduin ka nya. Hardkor. Ang martir mo din e. Hindi kita maintindihan. Ang sarap mo kaltukan minsan e. sinasaktan ka niya pero sige lang. Ganon mo nga siguro siya kamahal.

Sabagay… halos pareho lang naman tayo...

Kinabukasan, pumasok ako. Inaantay ko ‘yung malungkot na ngiti na sumasalubong sa’kin t’wing umaga. Nagtaka ko, wala. Wala ka sa pwesto mo. Wala din ‘yung mga gamit mo.

Tinapik ni Jules ‘yung balikat ko. Nag-resign ka na daw. Walang dahilan. Walang paalam. Wala akong karapatan magtampo. Wala akong karapatan magtanong. Kung gagawin ko naman ‘yon, anong sasabihin ko? Malulungkot ako kasi wala na kong kasabay magkape t’wing alas otso? Tang ina. Pagtatawanan mo lang ako sigurado. Magmamakaawa ba kong wag kang umalis dahil hindi pa naririnig ng mga bituin ‘yung bulong ko? Naaah! Mas matatawa ka don.

Malamig na ‘yung kape. Ubos na nga ‘yung akin. Hinihintay ko pa din. Ngumiti ka. Magkwento ka. Sige. Kahit tungkol lang ulit sa kanya. Hanggang sa marinig lang ng mga bituin ‘yung bulong ko. Hanggang sa tigilan mo na tumingin sa malayo. Kahit hanggang maubos lang ulit ‘yung kape. Sayang ‘yung 3-in-1 sa bulsa ko. Mag-isa na lang kasi ako lagi…

(Photos: Google.com)


OST: Nagtahan ng Silent Sanctuary
eto 'yung may kasalanan kung bakit ko 'to nagawa :) 










2 komento: