Linggo, Enero 20, 2013

Understatement


Naranasan mo ng umiyak sa jeep? ‘yung tipong lahat ng tao tinitingnan ka. ‘yung iba naman dun, wala talagang pake. Tamang tsismis lang. ‘yung iba, pa-concern citizen. ‘yung iba, napatingin lang pero deadma. Binalikan ka ng isa pang tingin para i-confirm kung umiiyak ka talaga. Pero kahit muka ka ng tanga sa mata nila, wala kang magawa kasi kahit pinapagalitan mo na ‘yung sarili mo at sinasabi mo ng tama na, wala e. Tumutulo siyang kusa.

Nakapagsulat na ko nung isang linggo e. Akala ko, okey na. Akala ko, nabuhos ko na lahat. Hindi pa din pala. Siguro, aabot ka talaga sa punto ng buhay mo na walang salitang pwedeng makapagsabi talaga kung gano kasakit, walang kahit anong kulay ‘yung pwedeng makapagpinta kung gano kapait lahat ng nararamdaman mo. Kahit na ikaw pa yung pinakamorbid na writer na kilala nila. At kahit napaiyak mo na lahat ata ng kakilala mo dahil sa mga sinusulat mo.

Akala ko dati, sa mga istorya ko lang posible ‘yung ganong lungkot. Hindi pala. Pwedeng mangyari sayo, pwedeng mangyari sakin. Pwedeng mangyari kahit kanino. Mas malala pa nga. Pag-ibig lang ‘yung alam kong may kayang gawin ‘yon. Ang galing no? kaya niyang pahinain kahit ‘yung pinakamalakas na taong kilala mo. Kaya niyang paiyakin kahit ‘yung pinaka-walang emosyong nilalang na nabuhay sa mundo. Kahit ayaw mo na. Kahit sinasabi mo na sa sarili mong tama na.

Parang ngayon, habang sabay sa pagtipa. Habang may maingay na kapitbahay kang kumakanta. Habang lahat ng bahagi mo, namamatay na. Masakit. Mahirap. ‘yung bawat salitang dinidikta ng utak mo, pakiramdam mo, kulang pa. Na kahit ‘yun na ‘yung superlative na maio-offer ng dictionary, pakiramdam mo, hindi pa din tama. Hindi pa din sapat. Hindi pa din sakto sa nararamdaman mo. Kulang lahat.

Nabasag kasi e. nabasag ‘yung mundong binuo mo. Nabasag ‘yung mundo ko. ‘yung mundong pinaikot ko sayo. Ang tagal ko binuo. Isang salita lang, nawasak mo. Gusto ko pa sana ikwento kaso ubos na ‘yung luha ko, hindi pa din siguro tapos page-explain pa lang nito. To cut it short, walang natira sa mundong nakasanayan ko. Wala. Hindi kasi ko nag-iwan ng kahit gano kaliit na espasyo para sa sarili ko. Maling mali. Pero ganon e. Gusto ko kasi ibigay lahat sayo. Kahit ‘yung kaliit liitang bahagi na meron ako. Kaso tapos na. Hindi naman ‘to soap opera na pag nag-hit, pwedeng extend pa. parang Mara Clara. Lahat na lang ng kidnapan ilalagay, mapahaba lang ‘yung istorya.

Sa totoong buhay, hindi ganun e. Kadalasan, pag tapos na, tapos na. Anong gagawin ng bida? Wala. Iyak. Wala namang magagawa e. Kaso kahit sabihin na wala din namang magagawa’yung iyak at kahit sabihan ko ‘yung sarili ko na tama na, wala e. Tumutulo siyang kusa.

Kaya eto ko. Dinadaan sa sulat lahat ng emosyong pumapatay sa bawat parte ng pagkatao ko. Para at least, productive. Patay nga lang sa loob.

Madaling sabihin na kalimutan na lang. Madaling sabihin na madali namang bumitaw. Magiging okey din lahat. Pero hindi na e. Siguro dadating ‘yung pagkakataon na sanay ka na lang sa sakit. Dadating  ‘yung panahon na manhid ka na lang. Wala ka na lang mararamdaman. Kung dadating man yon, sana agad agad din. Sana ngayon na. Masakit din sa mata e. Masakit din sa loob. Makakatapos na naman ako ng maraming istorya, makakagawa ng maraming malulungkot na tula. Pero hindi katulad dati, pagkatapos ng dapo ng topak sa utak ko, matatapos ‘yung lungkot sa pagtatapos ng mga istorya ko. Ngayon, kahit ilang istorya ‘yung matapos ko, andun pa din. Matutulog ako sa gabi, gigising ako sa umaga ng kulang. Kulang lahat ng salita kaya magsusulat ulit. Baka sakaling sumapat na. baka sakaling pag nakatapos ako ng isang malupit na istorya, matapos na.

Naiimagine mo na ba kahit kalahati nung sakit na nararamdaman ko? O kahit ¼ lang? Hindi pa din no? Kulang nga kasi. Kahit ano pang wasak na salita ‘yung gamitin ko, understatement pa din. Gusto kong isisi sa mundo kung bakit ako nasasaktan kaso alam ko naman na wala silang kasalanan. May masisi lang. Baka sakaling pag napuno ka ng galit, mawala na lahat ng pagmamahal. Mawala na lahat ng kaya mong maramdaman.

Naranasan mo na umiyak sa daan? ‘yung tipong lahat ng makasalubong mo, di maiwasan kang tingnan. Pero wala kang pakialam. Kasi kahit anong gawin mong pigil, tumutulo siyang kusa. Kahit pilitin mong ipakita na okey na, alam mong hindi pa. Alam mong hindi na. ‘yung tipong kahit anong kantang alam mong kayang pagaanin ‘yung loob mo, wala ng magawa. Na kahit anong ngiti ‘yung gawin mo, alam mong hindi ‘yun aabot sa mata. Kasi kulang. Kulang lahat ng salita. Kasi, kahit kalahati nung sakit na nararamdaman mo, hindi mo na kayang ipadama.

Tapos ang gusto mo lang gawin, umiyak maghapon, magdamag. Magwala. Umabot ka pa nga sa puntong inaantay mo na lang masagasaan ng truck o kaya tamaan ng ligaw na bala. Umabot ka pa sa puntong pati aksidente, sasadyain mo na. Sa puntong naisip mo na sana hindi mo na lang siya nakilala. Sana hindi ka na lang nagmahal. Sana wala na lang lahat. Pero understatement pa din di ba? Kahit kalahati ng sakit na ramdam mo, hindi pa din nila madadama.

‘yung puntong gusto mo magsalita, gusto mo isigaw sa kanila lahat ng sakit pero walang lumalabas kasi kulang. Kahit anong part ng vocabs mo, hindi madedescribe kung gaano kasakit lahat para sayo. Kaya aakto kang wala na lang pakialam. Para wala ng magtanong. Para okey na lang. Para hindi ka na masaktan. Kasi kahit ubos na ‘yung luha mo, kahit ubos na ‘yung salitang alam mo, ‘yung sakit hindi pa din nababawasan.

Pero magpapatuloy sa ikot ‘yung mundo, nasabi ko din dati na hindi magiging 400 days ang araw sa isang taon para intayin ka mag-move on. Kaso hindi ko talaga kaya e. kaya tuluy-tuloy na lang ‘yung buhay kahit hindi ko alam kung me patutunguhan pa. kahit hindi ko alam kung san pa papunta. Dala lahat ng sakit. Dala lahat ng pait. Tapos ‘yung thinking na ayoko ng maranasan umiyak sa jeep ulit. Ayoko ng umiyak sa daan at pagtinginan ulit. Ayoko ng masaktan ulit. Kaya hindi na ko magmamahal ulit. Hindi na ulit. 

Martes, Disyembre 4, 2012

Kung San Ka Masaya...


“Napapagod na ko.”
-         - 11:25pm, 12/03/12

Napapagod ka na? Hindi ko alam. Napapagod ka ng marinig na hindi ko alam. Napapagod ka na. pero hindi ko pa din alam. Kaya magsusulat na lang ako, tutal dun lang naman ako magaling, sabi mo.

Napapagod ka na ba? Paulit- ulit na lang ‘yung topak ko. Paulit-ulit na lang ‘yung pagsusungit ko. Tsk. Kahit sino naman siguro mapapagod sa ugali ko. Hindi ko alam. Hindi ko maintindihan sarili ko. Natatakot ako. Iba na kasi ngayon. Hindi na tulad ng dati. Hinahanap ko lang siguro ‘yun. Dati kasi, ramdam kong takot kang mawala ako. Ngayon… hindi ko na alam.

Napapagod ka na? Sabi mo, konti na lang. Ayaw mong magsawa pero konti na lang. Inuubos ko na ba ‘yung konting yon? Siguro nga. Pagod ka na. Malapit na siguro. Konti pa.

Napapagod na din ako. Napapagod na kong marinig na pagod ka na. Na sa konting sungit ko lang, konting topak lang, napagod ka. Sa dami ng nangyari non, hindi naman ako napagod e. Pinilit ko kumapit. Pero nakakapagod din pala. Nakakapagod marinig na pagod ka na.

Kung tutuusin pwede naman magpahinga. Kasi kahit anong pilit, wala na din namang magagawa kung pagod ka na, kung ubos na ‘yung konting natitira. Sa huli, katulad ng palagi, dun pa din naman tayo, dun sa kung san ka magiging masaya.

(Halik:Kamikazee)

Lunes, Disyembre 3, 2012

Gusto mo di ba?

Gusto mo ng pizza? O sundae kaya? Dagdagan natin ng large fries, para may isasawsaw ka sa sundae. Favorite mo 'yun di ba? Hingi tayong madaming ketchup para may papapakin ka sa byahe. Kain tayo sa KFC, baka namimiss mo lang 'yung gravy. Gusto mo, libre na kitang krushers, 'yung favorite mong cookies and cream?

Pero alam ko, gusto mo ng pizza. Tara na! Ililibre kita. Paliguan natin ng hot sauce hanggang mamula ka. Hanggang 'yung anghang, ikaiyak mo na. Hanggang mamula 'yung ilong mo tapos mamasa-masa na 'yung mata mo. Ang vute cute mo kaya pag nagkakaganon ka. Tapos habang kumakain tayo, magkwento ka. Nami-miss na kasi kita. Antagal na din nung huli tayong magkita. Matagal na. Hindi ko na nga maalala.

Ang tanda ko lang, ang lakas mo mang-asar non habang hilung-hilo ako sa pesteng rde sa perya. Hindi ako dapat natutuwa pero ang saya kasi ng mata mo, talo pa 'yung mga ilaw dun sa matayog na tsubibo. Tapos habang masuka-suka ko sa hilo, naglalaro sa utak ko 'yung makulit na tawa mo. Pumapalakpak ka pa nga sa saya. Nagpapapadyak ka pa. Para kang bata. Pero nakakatawa. Nakakatuwa.

Tapos, nagkalat 'yung ice cream sa damit mo kasi para ka ngang bata. Hindi ka matahimik dun sa pagkahilo ko sa perya. Hanggang pag-uwi natin binabalik-balikan mo. Dumaan pa tayo sa bilihan ng cotton candy. Mahilig ka sa matamis e. Tapos tumingin ka sa ulap. Nagkalat na 'yung mga bituin. Ngumiti ka. Sabi mo, gusto mong maging isa sa kanila. Balang-araw, titingnan din kita. Tumango lang ako. Hindi ko alam pero hindi ko kaya. Hindi ko alam kung kakayanin ko pagmasdan ka lang sa malayo.

Sanay kasi akong andyan ka. Katabi ko, katawanan. Kasama sa problema, kaiyakan. Kasama gumala, kasama kung saan. Nasanay na kong text mo 'yung una't huli kong mababasa sa araw-araw, nasanay na kong pumupunta ka sa bahay para mang-asar lang... magpaturo sa Math, magpatulong sa project o kaya wala lang. Basta andun ka lang. Mas close na nga kayo ni nanay. Hindi ko alam kung kaya kong magtagal ngg ilang araw na wala lahat 'to, na hindi ko ramdam 'yung makulit na presensya mo. Basta. Hindi ako sanay at malamang... hindi ko 'yun makakasanayan.

Hindi ko alam kung pano kakain ng fries at kung pano di magmumukang tanga pag sinawsaw ko 'yun sa sundae na mag-isa. Hindi ko alam kung kanino ibibigay 'yung free ketchup at kung sino pang may toyong papapak non pag tinatamad siyang ngumuya. Hindi ko alam kung sino pang makakasama ko sa KFC para gawing sabaw 'yung gravy. Hindi ko alam kung may mas hayok pa sa pizza kesa sayo. Lahat ng 'to. Hindi ko alam kung may makikilala pa kong ganito ka-weirdo.

Pero ngayon, nakatingin ako sa ulap. Naririnig ko pa rin 'yung tawa mo, naririnig ko pa din 'yung mga alaska mo. Ramdam ko pa din 'yung mga hampas mo, 'yung mga kurot mo. Nandito pa din lahat ng alaala nung nagperya tayo. 'yung saya ng tsubibo. 'yung halakhak mo habang hilung-hilo ko. Lahat. Lahat lahat tungkol sayo...

Ngayon, nakatingin ako sa ulap. Mag-isa. Nakatingin sa mga bituin. Nakangiti sila. Sana sinabi mo na gusto mo sila agad makasama. Sana sinanay mo na lang akong tingnan sila ng wala ka. Kasi ngayon, sa lahat ng random elements na makita ko, naaalala kita.

Bumili kong box ng pizza. Gusto mo di ba?

(Biglaan by 6cyclemind)

Lunes, Setyembre 17, 2012

Sa Larawan

"Sa  larawan na lang, baka pwedeng legal. Dahil dito sa mundo, bawal..." -Larawan, Eevee

E ayoko nga sa larawan. Hindi ko naman mararamdaman 'yung higpit ng yakap mo don. Hindi ko makikita 'yung saya sa mata mo. 'yung init ng kamay mo. Sa larawan? Wala lahat 'yon. Wala 'yung mga banat mo. Hindi ko maririnig 'yung boses mo. Wala 'yung tamis ng ngiti mo.

Sabi mo nga, wag ko na lang isipin 'yung iniisip ng iba. Wala naman akong ginagawang masama sa kanila. E ano kung bawal sa mata nila? Ano kung mali?

Minsan gusto kong pakinggan 'yung sinasabi ng isip ko. Sabi mo nga, matalino ko. Pero tuwing ginagawa ko 'yon, lalo ko lang naiisip na hindi lahat ng tama, ikasasaya ko. Sa ngayon, mas pinili kong maging mali kasama ka. Basta kasama kita. Ayos na.

Kalimutan na lang natin muna. Na me mundong maghuhusga. Na me mali at tama. Gusto ko lang maging masaya kasama ka. Kaya kalimutan muna natin sila.

Chasing Cars by Snow Patrol



Linggo, Setyembre 9, 2012

Sorry

Alam ko pong mali. Sorry.

Hindi ko po kayang pigilan. Sorry.

Nagawa ko na po. Sorry.

Hindi ko po kayang mawala. Sorry.

Sana kayang tanggapin ng mundo 'yung sorry ko kasabay ng pagtanggap nila sa kung anumang meron tayo. Pero sabi mo kagabi, wala naman di ba? Na pagkatapos ng lahat, wala naman talaga.

Mali ako ng intindi. Sorry.

Nag-assume lang siguro ko. Sorry.

Nadala lang ako ng mga yakap mo. Sorry.

Sana tayo na lang para pwede pang ayusin. Sana merong "tayo" para alam ko kung anong tatapusin. Pero sabi mo kagabi, wala naman di ba? Tinatanong mo pa nga kung ilang sakit pa kailangan para matauhan na ko. Hindi ko din alam e.

Nakukulitan ka na sakin. Sorry.

Gusto mo ng tigilan kita. Sorry.

Ayaw mo na. Sorry.

Kung mauutusan lang 'yung puso mapagod. Kung susunod lang siya. Nakakapagod din naman umiyak. Pero mas lamang kasi yung sayang bigay mo kesa sa sakit. Mas lamang pa din yung katotohanang mahal kita kesa sa pait.

Sorry. Hindi ko po kayang pigilan.

Sorry. Hindi ko po kayang mawala.

Sorry. Alam ko pong mali.

Pero masaya po ako e. Pwede po ba kalimutan ko muna 'yung tama at hindi?

Lunes, Setyembre 3, 2012

Gunita


Patuloy na pumapatak ang bawat sandaling natitira habang ika’y kapiling ko…
Siguro nga’y maraming dahilan kang maibibigay ngunit ako ay may isang tanong…

Andyan ka. Hindi ko alam kung hanggang kelan. Pero ramdam kong bilang lang. Bilang lang ‘yung mga oras na andyan ka. Bilang lang ‘yung mga oras kasama kita.

Bilang lang ‘yung mga oras. Mahirap kumapit kapag alam mong dadating ‘yung oras na kelangan mo bumitaw, kapag alam mong dapat ka din bumitaw. E bakit ba kasi kelangan kumapit pa? Alam mo naman palang sa dulo, masasaktan ka. Wala e. Sa pagkapit na ‘yun ka kasi magiging masaya. Kaya kahit anong sabihin ng mundo, wala silang magagawa. Kakapit ka. Magiging masaya.

Di ka ba magtatagal? Pagtigil mo’y dalangin na aking inaasam.
Siguro nga’y paalam na, subalit ma’y iiwan kang puwang…

Kakapit ka. Magiging masaya. Kahit tanggap mong wala kang ibang gagawin sa dulo kundi bumitaw. Kakapit ka. Magiging masaya. Kahit pa alam mong baka bukas, gigising kang wala na ‘yung saya.

Bakit ba kasi hindi pwedeng magtagal? Bakit hindi pwedeng dito ka na lang? Hindi ko alam. Hindi ko maintindihan. Hindi mo din naman sinasabi. Hindi ko alma kung anong pinanggagalingan mo. Pero sabi ko nga, okey lang. Okey lang lahat. Basta pumunta ka kung saan ka sasaya. Gawin mo kung anong gusto mo. Pag natapos lahat, pag naubos na ‘yung bilang ng oras na kasama kita, ako ng bahala sa sarili ko kahit hindi ko alam kung saan mag-uumpisa.

Kung kaya kong pigilan lang ang oras sa kanyang pintig,
asahan mong ako’y di hihinto…

Ako ng bahala sa sarili ko kahit hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Kahit hindi ko alam kung kaya ko pa. Kung pwede lang ihinto ‘yung paggalaw nung kamay ng orasan ngayong kasama ka, tatambayan ko ‘yon. Para kahit papano, tumagal pa. Para kahit papano, madagdagan ‘yung oras. O baka sakaling hindi mo mapansin. O baka sakaling hindi mo maalala. Baka sakaling makalimutan mong aalis ka nga pala.

Kahit malabo, masarap umasa. Na baka sakaling maging masaya ka din naman, makalimutan mong bumitaw. Kaso hindi e. Kahit ano atang gawin ko, aalis ka. Lalayo. Pero ako ng bahala sa sarili ko kahit hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Sandali ka lang naman di ba? Sandali lang.

Ako’y isang manhid na di makikinig sa bawat sasabihin ng mundo.
Ako’y isang manhid na di makikinig hangga’t ikaw pa’y naririto…

Sandali lang naman di ba? Sandali kong kakalimutan ‘yung mundo. Sandali kong kakalimutan ‘yung ako. Sandali akong magiging masaya. Sandali kitang kasama. Lahat, saglit lang. Baka nga gumising na lang ako isang umaga, wala na ‘yung sandali. Bilang lang ‘yung oras. Baka pagdilat ko, ubos na. Tapos na ‘yung bilang mo. Wala ka na.

Pero di bale. Sandali lang naman. Sandali kong kakalimutan lahat. Pagtapos naman nito, dun din ako babalik. Masyado pang mahabang panahon ‘yung gugugulin ko kasama ng mundong kinakalimutan ko ngayon. E ‘yung oras kasama ka, bilang lang.

Hayaan na muna nila kong sumaya kahit saglit lang. Pagkatapos naman nito, hindi ko alam kung sasaya pa ko. Hindi ko alam kung kaya ko pa. Hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Pero saka ko na iisipin yon. Saka na ko iiyak. Kasi ngayon, andyan ka pa.

Hindi ka ba magtatagal? Pagtigil mo’y dalangin na aking inaasam.
Siguro nga’y paalam na, subalit ma’y iiwan kang puwang…

Andyan ka pa. Hindi ko alam kung hanggang kelan. Pero ramdam kong bilang lang. Bilang lang ‘yung mga oras na andyan ka. Bilang lang ‘yung mga oras kasama kita.

Pero salamat. Salamat at dumaan ka. Pinasaya ko kahit sandali lang. Pinakapit ako para bumitaw. Kahit alam kong hindi mo gusto. Kahit alam kong napipilitan ka lang. Salamat. Baka pwede pang humirit? Baka pwedeng konting oras pa. Baka pwedeng sandali pa. Baka pwedeng ‘yung sandali, magtagal na? Baka lang naman pwede. Gusto ko lang ipilit kahit alam ko namang hindi.

Andyan ka pa. Hindi ko alam kung hanggang kelan. Pero salamat kahit saglit lang. Kahit ramdam kong bilang lang. Bilang lang ‘yung oras na andyan ka. Bilang lang ‘yung oras kasama kita. Handa akong sumugal. Gusto ko lang andyan ka. Kasama kita. Gusto ko lang maging masaya.

Patuloy na pumapatak ang bawat sandaling natitira habang ika’y kapiling ko…

Gunita: Spongecola



Sabado, Setyembre 1, 2012

Dancing Fountain


Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko. Sumasayaw na tubig. May mga halakhakan. May paminsan minsang dampi ng lamig dala ng hangin sa balat ko. Pero hindi ko sila makita, hindi ko sila madama.

Masarap pagmasdan ‘yung ningning ng mga bituin sa madilim na ulap. Dati, tuwing makikita ko sila, meron akong nakikitang malungkot na mukha. Maraming alaala. Madilim. Talo ‘yung ningning ng mga tala. Pero ngayon, wala akong makapang lungkot. Wala akong makapang panghihinayang. Wala akong maaninag na mukha.

Tumingin ako sa sumasayaw na ilaw, pinakiramdam ko ‘yung lamig ng dampi ng tubig dala ng hangin. Wala ‘yung hinatid na lungkot sakin. Hindi tulad dati.  

Nakatingin ka sa malayo. Mas maliwanag pa ‘yung mata mo sa ilaw na sumasayaw. Tiningnan ko ‘yung palabas, hindi ako natuwa. Tiningnan kita, sumaya ko bigla. Naglalaro sa mga mata mo ‘yung ilaw na nililikha nung palabas. Mas gusto kong panuorin sa mata mo ‘yung mga ilaw.

Minsan, sapat ng nakakasama mo lang ‘yung isang tao. Minsan sapat na na kahit nakaw lang, napagmamasdan mo ‘yung mata niya, naririnig mo ‘yung boses niya, nakikita mo ‘yung ngiti niya. Minsan sapat ng kahit alam mong malabo, nakakalapit ka. Na kahit walang salita, kahit walang kasiguraduhan, masaya ka. Kahit alam mong ngayon lang. Kahit alam mong maya-maya, mawawala. Kahit alam mong bukas, pag gising mo, iiyak ka lang kasi wala na. Minsan, sapat na din ‘yung umasa ka.

Kapag humihigpit na ‘yung mga yakap at hawak kamay, mas mahihirapan ka na bumitaw. Alam mo ‘yun. Pero dahil masaya ka, mas gugustuhin mong mahirapan bumitaw basta maramdaman lang na minsan, humawak ka. Kumapit. Minsan, naging masaya kasama siya.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko pero hindi ko sila makita, hindi ko sila madama. May sumasayaw na tubig, may halakhakan, may magandang musika. Pero ang pinakaramdam ko sa lahat? ‘yung lamig ng dampi ng hangin. ‘yung layo ng pagitan natin. ‘yung sakit na dapat kong tanggapin.
Na pagtapos ng palabas, kapag pinatay na ‘yung ilaw, kapag wala na ‘yung tubig na sumasayaw, kailangan ko na ulit itago ‘yung nararamdaman ko.
Hindi ko masabi kasi ako ‘yung nagtayo nung pader na binubuwag ko. Hindi ko alam kung pano sasabihin kasi, hindi ako sanay. Pero sana masabi ng mata ko. Sana makita mo. Kung hindi, sapat na ko sa ganito. Sapat ng minsan, kasama kita. Minsan, nakita kitang masaya. Sapat ng minsan, andyan ka.

Katulad nung sumasayaw na tubig ngayon, hindi kita mahawakan. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip mo, hindi ko alam kung anong nararamdaman mo. Pero patuloy ka lang sa paggalaw. Patuloy ka lang sa pag-agaw sa mga bagay na hindi sa’yo, gaya ng isip ko, ng puso ko.

Hindi ko masabi kasi natatakot ako. Sa likod ng sayang hatid ng pagsayaw ng tubig at mga kulay na nakikita ko, maraming nagtatago.

Dumampi ulit ‘yung malamig na hangin. Pinaramdam lang nun ulit sakin ‘yung mga bagay na gusto kong iwan kasama ng mundo. ‘yung lamig, ‘yung layo, ‘yung sakit.

Nagsalita ka. Nagtanong. Tumawa lang ako. Hindi ako sumagot. Mas gusto kong makinig sayo. Mas gusto kong humilig sa balikat mo. Tahimik lang. Hayaan mo lang ako. Baka sakaling makita mo. Baka sakaling maramdaman mo. Hindi ko kayang sumagot kasi baka mali ‘yung masabi ko. Isang maling sagot, mawawala ka. Hindi ako nagsasalita kasi hindi ko kayang sabihin. Hindi ko kayang mawala ka.

Kung pwede lang habang nag-eenjoy lahat sa mga ilaw, mawala tayo. Lumipad. Dun sa lugar kung san wala yung mga kinakatakot ko. Wala ‘yung pader na tinayo ko.

Tiningnan kita. Mukha kang masaya. Sana pwede pa. Sana wag mo mahalata pero sana makita mo. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Hindi ko kayang mawala ka pero hindi ko naman alam kung anung gagawin ko para manatili ka. Hindi ko alam.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko pero hindi talaga ‘yun ‘yung dahilan kung bakit ako masaya. Kasi kahit ano pang saya ng kulay, walang dating kung wala ka.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko, may mga halakhak sa paligid pero hindi ko sila marinig. Kasi mas malakas pa din ‘yung sinisigaw ng puso ko kesa sa ingay nila.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko, may sumasayaw na ilaw pero mas malinaw ka kesa sa ano pa mang malinaw.

Andaeng magagandang bagay sa paligid pero wala akong makita. Andaeng masasayang bagay pero wala ‘yung saysay. Ang alam ko lang, masaya ko kasi kasama kita. Masaya ko kasi andyan ka.

Bumabaha ng kulay sa harap ng mata ko. Sumasayaw na tubig. May mga halakhakan. May paminsan minsang dampi ng lamig dala ng hangin sa balat ko. Pero hindi ko sila makita, hindi ko sila madama. Ang alam ko lang mahal kita.