Lunes, Setyembre 3, 2012

Gunita


Patuloy na pumapatak ang bawat sandaling natitira habang ika’y kapiling ko…
Siguro nga’y maraming dahilan kang maibibigay ngunit ako ay may isang tanong…

Andyan ka. Hindi ko alam kung hanggang kelan. Pero ramdam kong bilang lang. Bilang lang ‘yung mga oras na andyan ka. Bilang lang ‘yung mga oras kasama kita.

Bilang lang ‘yung mga oras. Mahirap kumapit kapag alam mong dadating ‘yung oras na kelangan mo bumitaw, kapag alam mong dapat ka din bumitaw. E bakit ba kasi kelangan kumapit pa? Alam mo naman palang sa dulo, masasaktan ka. Wala e. Sa pagkapit na ‘yun ka kasi magiging masaya. Kaya kahit anong sabihin ng mundo, wala silang magagawa. Kakapit ka. Magiging masaya.

Di ka ba magtatagal? Pagtigil mo’y dalangin na aking inaasam.
Siguro nga’y paalam na, subalit ma’y iiwan kang puwang…

Kakapit ka. Magiging masaya. Kahit tanggap mong wala kang ibang gagawin sa dulo kundi bumitaw. Kakapit ka. Magiging masaya. Kahit pa alam mong baka bukas, gigising kang wala na ‘yung saya.

Bakit ba kasi hindi pwedeng magtagal? Bakit hindi pwedeng dito ka na lang? Hindi ko alam. Hindi ko maintindihan. Hindi mo din naman sinasabi. Hindi ko alma kung anong pinanggagalingan mo. Pero sabi ko nga, okey lang. Okey lang lahat. Basta pumunta ka kung saan ka sasaya. Gawin mo kung anong gusto mo. Pag natapos lahat, pag naubos na ‘yung bilang ng oras na kasama kita, ako ng bahala sa sarili ko kahit hindi ko alam kung saan mag-uumpisa.

Kung kaya kong pigilan lang ang oras sa kanyang pintig,
asahan mong ako’y di hihinto…

Ako ng bahala sa sarili ko kahit hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Kahit hindi ko alam kung kaya ko pa. Kung pwede lang ihinto ‘yung paggalaw nung kamay ng orasan ngayong kasama ka, tatambayan ko ‘yon. Para kahit papano, tumagal pa. Para kahit papano, madagdagan ‘yung oras. O baka sakaling hindi mo mapansin. O baka sakaling hindi mo maalala. Baka sakaling makalimutan mong aalis ka nga pala.

Kahit malabo, masarap umasa. Na baka sakaling maging masaya ka din naman, makalimutan mong bumitaw. Kaso hindi e. Kahit ano atang gawin ko, aalis ka. Lalayo. Pero ako ng bahala sa sarili ko kahit hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Sandali ka lang naman di ba? Sandali lang.

Ako’y isang manhid na di makikinig sa bawat sasabihin ng mundo.
Ako’y isang manhid na di makikinig hangga’t ikaw pa’y naririto…

Sandali lang naman di ba? Sandali kong kakalimutan ‘yung mundo. Sandali kong kakalimutan ‘yung ako. Sandali akong magiging masaya. Sandali kitang kasama. Lahat, saglit lang. Baka nga gumising na lang ako isang umaga, wala na ‘yung sandali. Bilang lang ‘yung oras. Baka pagdilat ko, ubos na. Tapos na ‘yung bilang mo. Wala ka na.

Pero di bale. Sandali lang naman. Sandali kong kakalimutan lahat. Pagtapos naman nito, dun din ako babalik. Masyado pang mahabang panahon ‘yung gugugulin ko kasama ng mundong kinakalimutan ko ngayon. E ‘yung oras kasama ka, bilang lang.

Hayaan na muna nila kong sumaya kahit saglit lang. Pagkatapos naman nito, hindi ko alam kung sasaya pa ko. Hindi ko alam kung kaya ko pa. Hindi ko alam kung saan mag-uumpisa. Pero saka ko na iisipin yon. Saka na ko iiyak. Kasi ngayon, andyan ka pa.

Hindi ka ba magtatagal? Pagtigil mo’y dalangin na aking inaasam.
Siguro nga’y paalam na, subalit ma’y iiwan kang puwang…

Andyan ka pa. Hindi ko alam kung hanggang kelan. Pero ramdam kong bilang lang. Bilang lang ‘yung mga oras na andyan ka. Bilang lang ‘yung mga oras kasama kita.

Pero salamat. Salamat at dumaan ka. Pinasaya ko kahit sandali lang. Pinakapit ako para bumitaw. Kahit alam kong hindi mo gusto. Kahit alam kong napipilitan ka lang. Salamat. Baka pwede pang humirit? Baka pwedeng konting oras pa. Baka pwedeng sandali pa. Baka pwedeng ‘yung sandali, magtagal na? Baka lang naman pwede. Gusto ko lang ipilit kahit alam ko namang hindi.

Andyan ka pa. Hindi ko alam kung hanggang kelan. Pero salamat kahit saglit lang. Kahit ramdam kong bilang lang. Bilang lang ‘yung oras na andyan ka. Bilang lang ‘yung oras kasama kita. Handa akong sumugal. Gusto ko lang andyan ka. Kasama kita. Gusto ko lang maging masaya.

Patuloy na pumapatak ang bawat sandaling natitira habang ika’y kapiling ko…

Gunita: Spongecola



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento