Naranasan mo ng umiyak sa jeep? ‘yung tipong lahat ng tao
tinitingnan ka. ‘yung iba naman dun, wala talagang pake. Tamang tsismis lang.
‘yung iba, pa-concern citizen. ‘yung iba, napatingin lang pero deadma.
Binalikan ka ng isa pang tingin para i-confirm kung umiiyak ka talaga. Pero
kahit muka ka ng tanga sa mata nila, wala kang magawa kasi kahit pinapagalitan
mo na ‘yung sarili mo at sinasabi mo ng tama na, wala e. Tumutulo siyang kusa.
Nakapagsulat na ko nung isang linggo e. Akala ko, okey na.
Akala ko, nabuhos ko na lahat. Hindi pa din pala. Siguro, aabot ka talaga sa
punto ng buhay mo na walang salitang pwedeng makapagsabi talaga kung gano
kasakit, walang kahit anong kulay ‘yung pwedeng makapagpinta kung gano kapait
lahat ng nararamdaman mo. Kahit na ikaw pa yung pinakamorbid na writer na
kilala nila. At kahit napaiyak mo na lahat ata ng kakilala mo dahil sa mga
sinusulat mo.
Akala ko dati, sa mga istorya ko lang posible ‘yung ganong
lungkot. Hindi pala. Pwedeng mangyari sayo, pwedeng mangyari sakin. Pwedeng
mangyari kahit kanino. Mas malala pa nga. Pag-ibig lang ‘yung alam kong may
kayang gawin ‘yon. Ang galing no? kaya niyang pahinain kahit ‘yung
pinakamalakas na taong kilala mo. Kaya niyang paiyakin kahit ‘yung pinaka-walang
emosyong nilalang na nabuhay sa mundo. Kahit ayaw mo na. Kahit sinasabi mo na
sa sarili mong tama na.
Parang ngayon, habang sabay sa pagtipa. Habang may maingay
na kapitbahay kang kumakanta. Habang lahat ng bahagi mo, namamatay na. Masakit.
Mahirap. ‘yung bawat salitang dinidikta ng utak mo, pakiramdam mo, kulang pa.
Na kahit ‘yun na ‘yung superlative na maio-offer ng dictionary, pakiramdam mo,
hindi pa din tama. Hindi pa din sapat. Hindi pa din sakto sa nararamdaman mo. Kulang
lahat.
Nabasag kasi e. nabasag ‘yung mundong binuo mo. Nabasag
‘yung mundo ko. ‘yung mundong pinaikot ko sayo. Ang tagal ko binuo. Isang
salita lang, nawasak mo. Gusto ko pa sana ikwento kaso ubos na ‘yung luha ko,
hindi pa din siguro tapos page-explain pa lang nito. To cut it short, walang natira
sa mundong nakasanayan ko. Wala. Hindi kasi ko nag-iwan ng kahit gano kaliit na
espasyo para sa sarili ko. Maling mali. Pero ganon e. Gusto ko kasi ibigay
lahat sayo. Kahit ‘yung kaliit liitang bahagi na meron ako. Kaso tapos na.
Hindi naman ‘to soap opera na pag nag-hit, pwedeng extend pa. parang Mara
Clara. Lahat na lang ng kidnapan ilalagay, mapahaba lang ‘yung istorya.
Sa totoong buhay, hindi ganun e. Kadalasan, pag tapos na,
tapos na. Anong gagawin ng bida? Wala. Iyak. Wala namang magagawa e. Kaso kahit
sabihin na wala din namang magagawa’yung iyak at kahit sabihan ko ‘yung sarili
ko na tama na, wala e. Tumutulo siyang kusa.
Kaya eto ko. Dinadaan sa sulat lahat ng emosyong pumapatay
sa bawat parte ng pagkatao ko. Para at least, productive. Patay nga lang sa
loob.
Madaling sabihin na kalimutan na lang. Madaling sabihin na
madali namang bumitaw. Magiging okey din lahat. Pero hindi na e. Siguro
dadating ‘yung pagkakataon na sanay ka na lang sa sakit. Dadating ‘yung panahon na manhid ka na lang. Wala ka
na lang mararamdaman. Kung dadating man yon, sana agad agad din. Sana ngayon
na. Masakit din sa mata e. Masakit din sa loob. Makakatapos na naman ako ng
maraming istorya, makakagawa ng maraming malulungkot na tula. Pero hindi
katulad dati, pagkatapos ng dapo ng topak sa utak ko, matatapos ‘yung lungkot
sa pagtatapos ng mga istorya ko. Ngayon, kahit ilang istorya ‘yung matapos ko,
andun pa din. Matutulog ako sa gabi, gigising ako sa umaga ng kulang. Kulang
lahat ng salita kaya magsusulat ulit. Baka sakaling sumapat na. baka sakaling
pag nakatapos ako ng isang malupit na istorya, matapos na.
Naiimagine mo na ba kahit kalahati nung sakit na
nararamdaman ko? O kahit ¼ lang? Hindi pa din no? Kulang nga kasi. Kahit ano
pang wasak na salita ‘yung gamitin ko, understatement pa din. Gusto kong isisi
sa mundo kung bakit ako nasasaktan kaso alam ko naman na wala silang kasalanan.
May masisi lang. Baka sakaling pag napuno ka ng galit, mawala na lahat ng
pagmamahal. Mawala na lahat ng kaya mong maramdaman.
Naranasan mo na umiyak sa daan? ‘yung tipong lahat ng
makasalubong mo, di maiwasan kang tingnan. Pero wala kang pakialam. Kasi kahit
anong gawin mong pigil, tumutulo siyang kusa. Kahit pilitin mong ipakita na
okey na, alam mong hindi pa. Alam mong hindi na. ‘yung tipong kahit anong
kantang alam mong kayang pagaanin ‘yung loob mo, wala ng magawa. Na kahit anong
ngiti ‘yung gawin mo, alam mong hindi ‘yun aabot sa mata. Kasi kulang. Kulang
lahat ng salita. Kasi, kahit kalahati nung sakit na nararamdaman mo, hindi mo
na kayang ipadama.
Tapos ang gusto mo lang gawin, umiyak maghapon, magdamag.
Magwala. Umabot ka pa nga sa puntong inaantay mo na lang masagasaan ng truck o
kaya tamaan ng ligaw na bala. Umabot ka pa sa puntong pati aksidente, sasadyain
mo na. Sa puntong naisip mo na sana hindi mo na lang siya nakilala. Sana hindi
ka na lang nagmahal. Sana wala na lang lahat. Pero understatement pa din di ba?
Kahit kalahati ng sakit na ramdam mo, hindi pa din nila madadama.
‘yung puntong gusto mo magsalita, gusto mo isigaw sa kanila
lahat ng sakit pero walang lumalabas kasi kulang. Kahit anong part ng vocabs
mo, hindi madedescribe kung gaano kasakit lahat para sayo. Kaya aakto kang wala
na lang pakialam. Para wala ng magtanong. Para okey na lang. Para hindi ka na
masaktan. Kasi kahit ubos na ‘yung luha mo, kahit ubos na ‘yung salitang alam
mo, ‘yung sakit hindi pa din nababawasan.
Pero magpapatuloy sa ikot ‘yung mundo, nasabi ko din dati na
hindi magiging 400 days ang araw sa isang taon para intayin ka mag-move on.
Kaso hindi ko talaga kaya e. kaya tuluy-tuloy na lang ‘yung buhay kahit hindi
ko alam kung me patutunguhan pa. kahit hindi ko alam kung san pa papunta. Dala
lahat ng sakit. Dala lahat ng pait. Tapos ‘yung thinking na ayoko ng maranasan
umiyak sa jeep ulit. Ayoko ng umiyak sa daan at pagtinginan ulit. Ayoko ng
masaktan ulit. Kaya hindi na ko magmamahal ulit. Hindi na ulit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento