Gusto mo ng pizza? O sundae kaya? Dagdagan natin ng large fries, para may isasawsaw ka sa sundae. Favorite mo 'yun di ba? Hingi tayong madaming ketchup para may papapakin ka sa byahe. Kain tayo sa KFC, baka namimiss mo lang 'yung gravy. Gusto mo, libre na kitang krushers, 'yung favorite mong cookies and cream?
Pero alam ko, gusto mo ng pizza. Tara na! Ililibre kita. Paliguan natin ng hot sauce hanggang mamula ka. Hanggang 'yung anghang, ikaiyak mo na. Hanggang mamula 'yung ilong mo tapos mamasa-masa na 'yung mata mo. Ang vute cute mo kaya pag nagkakaganon ka. Tapos habang kumakain tayo, magkwento ka. Nami-miss na kasi kita. Antagal na din nung huli tayong magkita. Matagal na. Hindi ko na nga maalala.
Ang tanda ko lang, ang lakas mo mang-asar non habang hilung-hilo ako sa pesteng rde sa perya. Hindi ako dapat natutuwa pero ang saya kasi ng mata mo, talo pa 'yung mga ilaw dun sa matayog na tsubibo. Tapos habang masuka-suka ko sa hilo, naglalaro sa utak ko 'yung makulit na tawa mo. Pumapalakpak ka pa nga sa saya. Nagpapapadyak ka pa. Para kang bata. Pero nakakatawa. Nakakatuwa.
Tapos, nagkalat 'yung ice cream sa damit mo kasi para ka ngang bata. Hindi ka matahimik dun sa pagkahilo ko sa perya. Hanggang pag-uwi natin binabalik-balikan mo. Dumaan pa tayo sa bilihan ng cotton candy. Mahilig ka sa matamis e. Tapos tumingin ka sa ulap. Nagkalat na 'yung mga bituin. Ngumiti ka. Sabi mo, gusto mong maging isa sa kanila. Balang-araw, titingnan din kita. Tumango lang ako. Hindi ko alam pero hindi ko kaya. Hindi ko alam kung kakayanin ko pagmasdan ka lang sa malayo.
Sanay kasi akong andyan ka. Katabi ko, katawanan. Kasama sa problema, kaiyakan. Kasama gumala, kasama kung saan. Nasanay na kong text mo 'yung una't huli kong mababasa sa araw-araw, nasanay na kong pumupunta ka sa bahay para mang-asar lang... magpaturo sa Math, magpatulong sa project o kaya wala lang. Basta andun ka lang. Mas close na nga kayo ni nanay. Hindi ko alam kung kaya kong magtagal ngg ilang araw na wala lahat 'to, na hindi ko ramdam 'yung makulit na presensya mo. Basta. Hindi ako sanay at malamang... hindi ko 'yun makakasanayan.
Hindi ko alam kung pano kakain ng fries at kung pano di magmumukang tanga pag sinawsaw ko 'yun sa sundae na mag-isa. Hindi ko alam kung kanino ibibigay 'yung free ketchup at kung sino pang may toyong papapak non pag tinatamad siyang ngumuya. Hindi ko alam kung sino pang makakasama ko sa KFC para gawing sabaw 'yung gravy. Hindi ko alam kung may mas hayok pa sa pizza kesa sayo. Lahat ng 'to. Hindi ko alam kung may makikilala pa kong ganito ka-weirdo.
Pero ngayon, nakatingin ako sa ulap. Naririnig ko pa rin 'yung tawa mo, naririnig ko pa din 'yung mga alaska mo. Ramdam ko pa din 'yung mga hampas mo, 'yung mga kurot mo. Nandito pa din lahat ng alaala nung nagperya tayo. 'yung saya ng tsubibo. 'yung halakhak mo habang hilung-hilo ko. Lahat. Lahat lahat tungkol sayo...
Ngayon, nakatingin ako sa ulap. Mag-isa. Nakatingin sa mga bituin. Nakangiti sila. Sana sinabi mo na gusto mo sila agad makasama. Sana sinanay mo na lang akong tingnan sila ng wala ka. Kasi ngayon, sa lahat ng random elements na makita ko, naaalala kita.
Bumili kong box ng pizza. Gusto mo di ba?
(Biglaan by 6cyclemind)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento